Nasawi ang isang miyembro ng Hizon Robbery Group na nanloob sa 2 convenience store sa Batangas City nang makaengkwentro ng mga pulis sa Tiaong, Quezon nitong Miyerkules ng gabi, Abril 15.
Nahuli sa hot pursuit operation ng pulisya ang isa sa suspek.
Ayon sa ulat ng Quezon Police Provincial Office, 8:30 ng gabi nang mamataan ng mga operatiba sa Purok 1, Barangay San Agustin, Tiaong ang mga suspek na sakay ng motorsiklo na tumutugma sa deskripsyon ng mga salarin sa naunang insidente ng holdapan sa katabing bayan ng San Juan.
Tinangka silang pahintuin ng mga pulis ngunit sa halip na sumuko ay nagpaputok umano ang back-rider na suspek, na nagbunsod sa agarang pagganti ng mga awtoridad.
Sa engkuwentro, tinamaan sa ulo ang back-rider na kalaunan idineklarang patay, habang ang driver naaresto, na nagtamo rin ng tama ng bala sa katawan.
Kapwa isinugod ang mga ito sa Candelaria District Hospital para sa agarang atensyong medikal.
Nauna rito, 7:35 ng gabi nang holdapin ng mga suspek ang isang Alfamart branch sa Laiya Aplaya, San Juan, Batangas kung saan tinutukan ng maiksing kalibre ng armas ang cashier at tinangay ang tinatayang P136,000.
Ilang minuto lamang ang lumipas, isa pang sangay sa Barangay Nagsaulay ang pinasok ng mga suspek at natangayan ng humigit-kumulang P38,000 gamit ang parehong modus.
Kinilala ang mga suspek na sina Angelo Bahain Ramirez, na umano’y driver, at Lex Gregorio, na hinihinalang back-rider.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya habang inihahanda ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa naarestong suspek. Nagsagawa na rin ng imbestigasyon ang SOCO sa pinangyarihan ng engkuwentro.
Trending
- Eala sibak kay Fil-Can Fernandez sa Stuttgart
- Doncic, Reaves malabong maglaro sa playoffs kontra Rockets
- KC Concepcion inaming ‘in between’ sa pamilya nina Sharon at Gabby
- Kim Chiu, Sofia Andres nagsabunutan
- Heart Evangelista naospital sa anxiety
- 1 miembro ng Hizon robbery group todas sa bakbakan
- Rapper na si Hev Abi huli sa ‘di lisensiyadong baril
- Demolisyon sa Taguig may presenya ng ‘sniper’

