Naglabas ng pagtutol ang Anakbayan CLSU sa bagong Project SULONG (Sustainable University Loop towards Nature-friendly and Green Transportation) ng Central Luzon State University (CLSU) sa Muñoz, Nueva Ecija kasunod ng pagkuha ng pamantasan ng kauna-unahang electric bus (eBus) na nagkakahalaga ng ₱5.488 milyon.

Ayon sa grupo, nangangamba silang maaapektuhan ang kabuhayan ng mga tricycle operators at iba pang transport groups sa loob at paligid ng unibersidad dahil sa posibleng pagbaba ng bilang ng kanilang mga pasahero.

Iginiit din nilang mas nararapat umanong ilaan ang naturang pondo sa pagpapagawa ng mga dormitoryo, silid-aralan, laboratoryo, drainage system, at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga estudyante.

Binatikos din ng Anakbayan ang umano’y paggamit ng kita mula sa mga income-generating projects ng unibersidad para pondohan ang eBus, at kinuwestiyon ang layunin ng proyekto, na ayon sa kanila ay higit na nakatuon sa kita kaysa sa serbisyo.

Samantala, ipinaliwanag naman ng pamunuan ng CLSU na ang pagbili ng eBus ay bahagi ng kanilang layunin na magkaroon ng mas episyente, makabago at makakalikasang sistema ng transportasyon sa loob ng campus.

Ang 35-seater na sasakyan ay magsisilbi sa mga estudyante, guro at kawani at pansamantalang libre ang sakay habang isinasagawa pa ang pag-install ng cashless payment system. Kapag ganap nang naipatupad, ₱15 ang magiging pamasahe sa lahat ng ruta anuman ang layo.

Mayroon ding nakatalagang mga pick-up at drop-off points sa iba’t ibang bahagi ng campus at nilagyan ang eBus ng GPS tracking upang madaling masubaybayan ng mga pasahero ang lokasyon nito sa real time.

Ayon pa sa CLSU, plano rin nitong magdagdag ng isa pang eBus sa hinaharap kung magkakaroon ng sapat na pondo, bilang bahagi ng pagpapalawak ng kanilang sustainable transportation program.(Danilo Gravador)

Share.
Exit mobile version