Hindi pa nakikita ni Yeng Constantino ang sarili bilang isang ina sa ngayon dahil mas naka-focus pa siya sa responsibilidad niya sa kanyang pamilya.
Sa kanyang pagharap sa “Fast Talk with Boy Abunda,” diretsahang tinanong ang singer-songwriter kung handa na ba siyang magkaroon ng baby.
“Yes or no, ready na maging mommy?” tanong ni Boy Abunda.
“Marami pa po akong obligasyon,” sagot ni Yeng.
Mahigit isang dekada nang mag-asawa sina Yeng at Yan Asuncion.
Ikinasal sila noong February 2015 sa Hacienda Isabella sa Indang, Cavite, ngunit hanggang ngayon ay wala pa silang anak.
Hindi naman nangangahulugan na tuluyang isinasara ni Yeng ang posibilidad na maging ina.
Sa ngayon, mas pinipili niyang unahin ang mga kapatid at ama na ipinagkatiwala sa kanya ng kanyang yumaong ina.
“My mom passed away 5 years ago. Noong bago po mamatay si Mama, ang talagang ibinilin po sa akin ay mga kapatid ko saka si Papa. So I talked to my husband. Love, alam mo, kasi tayo ‘yong bine-bless ni God, e.
“And ang daming dumarating na biyaya, I guess ‘yung way ng mama ko na ibinilin sa akin ang mga kapatid ko, kung bakit tayo binubuhusan ni Lord, mayroon siyang dahilan,” pagbabahagi niya.
Naging mas mabigat pa ang responsibilidad ng mag-asawa matapos ma-diagnose ng cancer ang isa sa mga kapatid ni Yeng noong nakaraang taon.
Magkasama nilang sinuportahan ang pagpapagamot nito.
Para kay Yeng, kuntento siya sa kasalukuyan niyang papel sa kanilang pamilya at handa siyang tanggapin kung ano man ang mangyari sa hinaharap.
“Kung will ni God, kung mangyari po, okay. Pero right now, I’m just so happy na ako po ‘yung naka-assign sa family ko to help them,” saad ng Kapamilya singer-actress, na isa rin sa mga bagong coach sa pagbabalik ng “The Voice Kids” sa GMA 7.
====
Trending
- 2 menor de edad sugatan sa bakbakan sa Maguindanao del Sur
- Estudyante patay nang 2 beses masagasaan ng motorsiklo
- Transgender pinaghubad ng bra sa iskul
- Dyip tumagilid sa Maynila: 1 patay, 8 sugatan
- 4 NPA patay sa engkuentro
- Pinas, pinakamabilis umunlad na bansa sa PISA
- ‘Unified PWD ID System,’ kasado na!
- Baguio City, gold award sa ASEAN Smoke-Free Awards; Pasig bronze
