Patay ang isang 65-anyos na babae at walo ang sugatan nang tumagilid ang isang pampasaherong jeep sa Rizal Avenue Extension sa Santa Cruz, Maynila, 4:30 ng hapon nitong Sabado.
Ayon kay Police Major Joel Aquino, hepe ng Vehicle Traffic Investigation Section ng Manila District Traffic Enforcement Unit, sinabi ng driver na nawalan umano ng preno ang kanyang sasakyan.
“Ayon po sa aming pag-iimbestiga, at ang claim ng suspek natin na lalaki at taga-Caloocan, nawalan ng preno at kontrol itong sasakyan na minamaneho niya. Nagresulta po ito ng pagkasawi ng isang senior citizen na babae,” paliwanag ni Aquino.
“Base sa aming pag-iimbestiga, ibinangga ng driver sa bakal na poste ang kanyang sasakyan, sanhi kung bakit ito tumagilid,” dagdag niya.
Tumagilid ang jeep sa kalsada dahil sa lakas ng pagkakabangga sa poste.
Nasa 24-anyos ang pinakabata sa walong nasugatan, habang ang 65-anyos na biktimang nasawi ang pinakamatanda sa mga pasahero.
Ibinahagi ng isa sa mga sugatang pasahero, na tumangging isapubliko ang pagkakakilanlan, na matalik niyang kaibigan ang nasawi.
Giit niya, mabilis na ang pagmamaneho ng tsuper bago pa man ito sumalpok sa poste.
Sa bilis ng mga pangyayari, hindi na umano niya nasaksihan ang mismong sinapit ng kaibigan. Lumalabas sa paunang ulat na nasawi ang matanda nang bumaon at tumagos sa katawan nito ang isang mahabang bakal.
Isinailalim sa body X-ray ang nakaligtas na pasahero upang suriin kung nagtamo ito ng bali sa buto. Ligtas naman siyang pinauwi ng doktor at na-discharge na sa ospital matapos lapatan ng lunas.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang driver habang patuloy na nagpapagaling sa ospital ang iba pang mga sugatan.
Inahanda na ng pulisya laban sa tsuper ang reklamong paglabag sa Republic Act 4136 o Reckless Imprudence Resulting in Homicide, Multiple Injuries, and Damage to Property.

Share.
Exit mobile version