Umani ng reaksiyon sa social media ang isang video na nagpapakita ng mainit na komprontasyon sa pagitan ng ilang indibidwal sa isang electric vehicle (EV) charging station sa Taytay, Rizal nitong Abril 19.
Sa kumakalat na video, makikita ang tensiyon sa pagitan ng mga lalaki na humantong sa pisikal na komprontasyon sa gitna ng mismong charging area.
“Pumapatol ako sa senior,” maririnig na sabi ng isang lalaki.
Sinugod pa ng naturang lalaki sa gasolinahan ang kanyang kaalitan at nakipagsuntukan.
Maririnig sa background ang ingay ng pagtatalo habang sinusubukan ng ilang tao, kabilang ang security guard, na awatin ang mga sangkot.
May ilang driver na ring kumuyog sa lalaking sumugod sa senior.
Bagaman hindi pa malinaw ang kabuuang sanhi ng pag-aaway, ayon sa ilang netizen, nagsimula ang insidente matapos ang pagtatalo tungkol sa paggamit ng EV charging station.
“Royal Rumble sa EV Charging Station,” caption ng nag-share ng video sa Instagram na si Jefferd Dublin.

Share.