Ibinahagi sa publiko ng Star for All Season at Batangas Governor Vilma Santos-Recto ang tila pagkadismaya niya sa kamakailang naging pahayag ni Quezon City 4th District Rep. Bong Suntay patungkol sa aktres na si Anne Curtis-Smith.
Matatandaang kasing naging usap-usapan ang kontrobersyal na pahayag ni Suntay sa gitna ng kaniyang manifestation sa pagdinig ng House Committee on Justice kaugnay ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte noong Martes, Marso 3, 2026.
“Minsan nasa Shangri-La ako, nakita ko si Anne Curtis. Ang ganda-ganda pala niya. You know, may desire sa loob ko na nag-init talaga, at na-imagine ko na lang kung ano ang puwedeng mangyari. Pero siyempre hanggang imagination lang ’yon,” ani Suntay sa pagdinig.
Ayon naman sa dinaluhang film screening ng pelikulang “Ekstra” ni Vilma, sa pangunguna ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) and the Film Development Council of the Philippines (FDCP) sa Metropolitan Theater noong Linggo, Marso 15, 2026, sinabi niyang tila hindi raw siya nasiyahan sa nasabi ni Suntay.
“Definitely, I’m not nappy. That’s why we’ve been talking about women empowerment,” pagsisimula niya.
Ani Vilma, panahon na raw para itrato ng kalalakihan ang kababaihan nang may pagrespeto.
“It’s about time you should treat women with respect. I mean, noong araw ang sabi sila, ang babae [ay]nakasunod lang sa lalaki,” aniya.
Diin niya, “Nothing more.”
Anang aktres, dapat daw tandaan ng kalalakihan na maraming kayang gawin ang kababaihan.
“We do respect our men but remember marami kaming kayang gawin at bigyan n’yo ng respeto ang kakayahan ng isang babae,” ‘ika niya.
Tindig niya, “Hindi [kami]babae lang. Babae kami.”
Pagpapatuloy ni Vilma, dapat daw na tingnan muna ng mga lalaking kagaya ni Suntay ang sarili ng mga ito bago magsalita ng hindi maganda sa kababaihan.
“So don’t underestimate us, don’t say bad words against us. Kasi kahit papaano, aalma kami. Bago ka magsalita ng hindi maganda, tingnan mo muna ang sarili mo,” pagtatapos pa niya.

Share.