Umapela sina Camarines Sur Representatives Luigi at Migz Villafuerte sa mga senador na ipasa ang panukala na mag-a-upgrade at magmo-modernize sa National Building Code (NBC), kasunod ng pagguho ng isang ginagawang gusali sa Pampanga na ikinasawi ng hindi bababa sa limang katao.
Ayon sa magkapatid na Villafuerte, naipasa na ng Kamara de Representantes ang panukalang New Philippine Building Act (House Bill 6615) noong Disyembre 2025 na naglalayong palakasin ang 49-year-old National Building Code (NBC) para maging matatag sa pagbabago ng panahon at mga kalamidad ang mga imprastraktura ng bansa.
Ilang panukala umano ang inihain sa Senado upang baguhin ang NBC kasama na ang Senate Bill 2158 ni Sen. Raffy Tulfo na inihain nito kasunod ng pagguho ng gusali sa Barangay Balibago, Angeles City noong Mayo 24 kasunod ng malakas na hangin at ulan sa lugar.
Umaasa ang magkapatid na ang nangyaring trahedya sa Pampanga ay magsisilbing hudyat upang ipasa ng mga senador ang kanilang bersyon ng NBC, na sinimulang ipatupad noong 1977.
Nauna rito, ipinag-utos ni DPWH Secretary Vince Dizon ang pagsasagawa ng assessment at reevaluation ng NBC law upang mahanap ang mga dapat na baguhin at matugunan ang mga kasalukuyang hamon sa mga imprastraktura gaya ng climate change.
“We welcome the review of the almost 50-year-old NBC, as ordered by Secretary Vince Dizon, and hope this DPWH reexamination of this 1977 Code would encourage our senators to help in this long overdue effort by passing their version of the House-passed measure, making our buildings and other infrastructure more resilient against the onslaught of devastating weather caused by climate change,” sabi ni Rep. Migz.
Ayon sa magkapatid, ang Pilipinas ang itinuturing na most disaster-prone country sa munod na mayroong Risk Index na 46.91%, mas mataas kumpara sa 26.70% na naitala noong 2018.
Itinulak din ng World Bank at Inter-American Development Bank ang pangangailangan na maging moderno ang building code ng Pilipinas kasunod ng kanilang isinagawang assessment sa 22 bansa.
Ang magkapatid na Villafuerte ay kabilang sa mga may-akda ng HB 6615.

Share.