OPISYAL nang isinara ang UAAP Season 87 sa isang engrandeng closing ceremony na ginanap nitong Martes sa Mall of Asia Arena, tampok ang paggawad sa mga General Champions, Athletes of the Year, at ang pormal na turnover ng hosting duties mula sa University of the Philippines (UP) patungo sa University of Santo Tomas (UST).
Sinimulan ang selebrasyon ng alas-3 ng hapon sa pamamagitan ng inaabangang Streetdance Competition, na naging panimula ng isang gabi ng parangal at paggunita sa mga makasaysayang sandali ng season.
Bumida ang Season 87 sa pagbubukas nito noong Setyembre sa pamamagitan ng isang electrifying performance ng Eraserheads, at nagtapos sa isang makasaysayang men’s volleyball championship match kung saan National University (NU) ang nagkampeon laban sa Far Eastern University (FEU) sa harap ng record-breaking crowd na 14,517 katao. Hindi lang five-peat ang naitala ng NU Bulldogs, kundi doble rin ang kanilang tagumpay sa volleyball matapos sungkitin ng parehong men’s at women’s teams ang kampeonato — pangalawang sunod na golden double para sa NU.
Sa basketball, muling nabawi ng UP Fighting Maroons ang titulo sa men’s division, habang matagumpay namang nakabawi ang NU Lady Bulldogs sa women’s division. Sa juniors division, nagwagi ang University of the East (UE) sa junior high school boys basketball matapos ang 39 taong pagkauhaw sa titulo, habang winakasan ng UST Tiger Cubs ang 24 na taong tagtuyot sa parehong kategorya. Nasungkit din ng UST ang kampeonato sa boys’ football.

Share.
Exit mobile version