Nasawi ang isang armadong tulak ng iligal na droga matapos manlaban at makipagpalitan ng putok sa mga aarestong awtoridad sa bayan ng Pantabangan sa Nueva Ecija kamakalawa ng gabi
Sa ulat mula kay PColonel Ritche R Claravall, provincial director ng NEPPO, ang mga elemento ng Pantabangan PS ay nagsagawa ng Anti-illegal Drug Buy-bust Operation sa Barangay Cambitala, Pantabangan laban sa suspek na si @Jun, 50, residente ng Barangay Malbang, sa nabanggit na munisipalidad.
Sa panahon ng transaksyon, naramdaman ng suspek na ang kanyang katransaksyon ay mga undercover operatives, kaya’t bumunot siya ng kalibre .45 na pistola, at nagpaputok nang dalawang beses.
Dito tinamaan ang isang operatiba sa kanyang dibdib, ngunit hindi tumagos dahil suot niya ang kanyang tactical bulletproof vest.
Bilang depensa, gumanti ng putok ang mga operatiba, na humantong sa pagkamatay ng suspek.
Narekober mula sa pinangyarihan ng krimen ang MOL 3 gramo ng pinaghihinalaang shabu na tinatayang may halagang Php 20,400.00, isang unit ng caliber .45 pistol, buy-bust money, at isang tricycle na ginamit ng suspek.
Ang na-neutralize na suspek ay sasampahan pa rin ng mga kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).
Ayon kay PCol Claravall, mabilis at legal na kumilos ang kanilang mga operatiba para sa pagtatanggol sa sarili nang maharap sa isang napipintong banta sa kanilang buhay.
Aniya pa ay nanatili silang matatag sa kanilang kampanya upang sugpuin ang ilegal na droga at tiniyak ang kaligtasan ng publiko sa Nueva Ecija.(DGravador)
