WALA nang buhay makaraan madiskubre ng Pinay ang asawang Chinese national sa isang silid ng tinuluyang hotel sa Pasay City.
Pinaghahanap ng pulisya ang hinihinalang may gawa sa krimen na isang lalaki at isang babae na nakita sa CCTV na magkahiwalay nagpunta sa tinutuluyang silid ng dayuhan sa ikalawang palapag ng hotel sa Roxas Boulevard at nakitang magkasabay na lumabas, umalis, sumakay sa pinara nilang taxi.
Base sa ulat na nakarating kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Rodel Pastor kay Pasay Police chief P/Col. Joselito De Sesto, kasama ng biktima ang babae nang pumasok sa silid ng hotel ng alas-2:00 ng madaling araw ng Setyembre 8 ng Martes at tatlong oras ang nakalipas nakita naman sa CCTV ang pagpasok ng lalaki bago magkasabay na silang lumabas ng alas-8:00 ng umaga.
Nadiskubre ang bangkay ng dayuhan nang magtungo na sa hotel ang kanyang asawang Pinay matapos hindi na makauwi at hindi na rin sumasagot ang biktima sa tawag ng misis nang magpahatid sa kanilang driver patungo ng hotel.
Hinala ng pulisya na may kaugnayan ang krimen sa umano’y hindi pagbabayad umano ng utang ng dalawa sa dayuhan kaya’t posibleng nagkaroon sila ng mainitang argumento na humantong sa pagpatay. Negosyo umano ng dayuhan, na kilalang mayaman sa China, ang magpautang ng may kapalit na interes.
Sa ginawa namang backtracking ng pulisya sa kuha ng mga CCTV, nakita umano ang mga suspek na nagpahatid sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at sumakay sa magkahiwalay na flight patungo sa hindi binanggit na destinasyon.
Sa resulta ng awtopsiya sa bangkay ng banyaga, asphyxia due to strangulation, o sakal sa leeg ang kanyang ikinamatay.
Sinabi ni Col. De Sesto, nakatakdang iuwi ang labi ng dayuhan sa kanilang bansa hihingi naman ng tulong sa Embahada ng China sa Pilipinas ang ginang para alamin kung ano ang nararapat niyang gawing hakbang. (Gina Garcia)

