ISANG 47 anyos na a tricycle driver ang nasa malubhang kalagayan matapos tatlong beses na inundayan ng saksak sa katawan ng kanyang kababata sa Malabon City.

Ginagamot sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong mga saksak ang biktimang si alyas “ Niyoki”, habang nakapiit naman ngayon ang suspek na si alyas “Ome”, 47.

Sa ulat ni Malabon Police Chief P/Col. Kenneth Mission kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, nakaupo sa kanyang tricycle ang biktima dakong alas-2:00 ng hapon sa Brgy. Longos nang mula sa kanyang likuran ay pa-traidor siyang inundayan ng tatlong saksak sa katawan.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek subalit, naaresto naman ito kaagad ng mga tauhan ni Col. Mission sa follow-up operation habang isinugod naman ang biktima sa nasabing pagamutan.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang motibo ng suspek, na tumangging magsalita sa ginawang pananaksak sa kanyang kababata, habang hinihintay ang pagbuti ng kalagayan ng biktima upang alamin ang dahilan ng kanilang alitan.(Roger Panizal)

Share.
Exit mobile version