Patuloy na mino-monitor ng pamahalaang lungsod ng Navotas ang sitwasyon sa Navotas Sanitary Landfill na nasunog noong Biyernes.
Ayon kay Mayor John Rey Tiangco, kahit na naka-contain na ang sunog, nananatili itong delikado lalo na sa air quality.
“Contained naman po siya in a way kasi nasa island po siya. Wala namang kabahayan doon. Ang problema siyampre habang nasusunog ang area ‘yung air quality naman po at depende kung saan umiihip yung hangin,” aniya.
Dagdag pa niya, “Very sensitive ‘yung landfill natin.”
Sinabi ni Tiangco na ang sunog ay dulot ng matinding init ng panahon sa malawak na 44-ektaryang landfill na hindi na ginagamit mula Setyembre 2025.
“Medyo malawak ang area na ito, halos 44 hectares po siya… Masyadong mainit kasi ang panahon, so rubbish fire sya. Siguro hindi natabunan kaagad ng filling materials. Kung natabunan po iyan ay hindi kakalat (ang apoy),” paliwanag niya.
Nahirapan ang mga bumbero sa operasyon dahil kailangan pang tumawid ng tubig upang makarating sa isla. Itinitigil din ang operasyon tuwing gabi dahil sa dilim.
Nakipag-ugnayan naman ang Navotas LGU sa Obando, Bulacan na apektado ng makapal na smog, at namahagi ng face masks sa mga residente.
“Sa Obando nagbigay po tayo doon ng (Face masks) dahil sila ang affected doon. Contained naman po siya, pero effected ang air quality… Tuloy tuloy ang pagmonitor ng air quality,” ani Tiangco, at idinagdag na bumalik sa normal ang air quality bandang 6 p.m. matapos mag-smog sa umaga.
Samantala, posibleng may lapses umano ang Phileco na namahala sa landfill. Hindi na-renew ang kanilang franchise noong Setyembre 2025 at hinihintay pa ang closure plan.
“Naabisuhan na po natin ‘yung nagooperate nito yung Phileco na hanggang August last year lang sila… hinihintay pa po namin yung closure plan,” aniya.
Iniulat na rin ito sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), at may isyung legal hinggil sa kanilang withdrawal.
Sa kabila nito, sinabi ni Tiangco na agad silang kumilos nang mangyari ang sunog upang maiwasan ang mas malaking epekto sa publiko.
Dahil sa insidente, ilang lugar sa Metro Manila ang nakaranas ng smog at “unhealthy” hanggang “acutely unhealthy” na air quality. Pinayuhan ang publiko na manatili sa loob ng bahay at magsuot ng N95 o KN95 masks.
Sa Barangay Talipapa at Pasong Tamo sa Quezon City, nakaranas ang mga residente ng iritasyon sa mata, ilong, at dibdib dahil sa usok.
“Napansin na po namin na talagang mausok po sa area… parang nasusunog na kuryente… masakit daw po sa dibdib,” ayon kay Dennis Herrera ng Knights Fire and Rescue Volunteers Inc.
Sa Mandaluyong, umabot sa “very unhealthy” ang PM2.5 level na 80. Ipinaliwanag na ang PM2.5 ay maliliit na particle na madaling malanghap at makapasok sa baga.
Ayon sa mga awtoridad, patuloy ang monitoring habang nakadepende sa panahon kung mawawala o magtatagal ang smog. Pinayuhan din ang publiko sa Valenzuela at Maynila na magsuot ng face mask habang may haze pa sa metro. (BS)
Trending
- VP SARA IMPEACHMENT : SENADO PREPARADO
- Zaldy Co: Nasa custody ng Czech Republic
- OMAN :US NAVY INATAKE NG DRONES NG IRAN
- Porzingis, ‘di makakapaglaro sa susunod na Play-In game ng Warrios
- NLEX, nabulsa ang panalo kontra Meralco
- BINI parangalan ng Kamara sa trending performances sa Coachella 2026
- Angel, iwas magpa-picture
- Donny at Maymay, nag-unfollow sa IG; nadamay si Belle

