IGINIIT ni Senador JV Ejercito na kailangang palakasin ng bansa ang strategic fuel reserves nito upang matiyak ang matatag at maaasahang supply ng gasolina at makatulong sa pagpapababa ng presyo ng produktong petrolyo.
Ginawa ni Ejercito, chairperson ng Senate Committee on Finance, ang panawagan sa budget hearing ng Department of Energy (DOE), kung saan humingi siya ng update sa mga plano ng pamahalaan na palawakin ang strategic fuel reserves ng bansa.
“We found out how important it was, especially when this Middle East conflict started. Mahirap ang sitwasyon. We really have to be prepared for this lalo na ‘di natin alam kung ano magiging gising na naman ni Trump,” ani Ejercito.
Iminungkahi ng senador mula San Juan ang isang multi-year approach sa programa, dahil aminado siyang hindi ito agad-agad maitatayo at kailangang unti-unting palakihin ang kapasidad nito.
“We have to do it already. Kaya nga kung kinakailangan, kung ‘di kaya na kaagad-agad—because you know that it entails a big amount at multi-year—at least, we have to start,” wika ni Ejercito.
“If we can start on it already, sabihin niyo lang kung next year, to at least start the ball rolling already,” dagdag niya, kasabay ng paggiit na dapat lumipat ang pamahalaan mula sa pagiging reactive tungo sa proactive na hakbang upang mapalakas ang kahandaan ng bansa bago pa magkaroon ng krisis.
Kinilala naman ng DOE na hindi agad kayang pondohan ng pamahalaan ang 60-day reserve at kailangan munang maglagay ng mas maliit na stockpile bago ito unti-unting dagdagan hanggang maabot ang pakay na 90-day strategic reserve.
Sa sistemang ito, ang 30 araw ay pananatilihin ng mga pribadong kumpanya at 60 araw naman ng pamahalaan.
Ayon naman sa DOE, hindi mangangailangan ng pondo mula sa General Appropriations Act (GAA) ang panukalang strategic reserve program dahil maaari itong pondohan mula sa corporate funds ng Philippine National Oil Company (PNOC). Maaari ring makilahok sa kalaunan ang mga pribadong investor sa pagpapaunlad ng mga pasilidad para sa imbakan.
Kasabay nito, hinimok ni Ejercito ang DOE na paigtingin ang mga hakbang upang madagdagan ang power-generation capacity ng bansa, partikular ang pagtupad sa target nitong makapagpatayo ng humigit-kumulang 200 generation projects bago matapos ang kasalukuyang administrasyon. (Nino Aclan)

Share.