Pinagtibay ng Senado nitong Miyerkoles, Hunyo 17, ang ulat ng bicameral conference committee sa Senate Bill No. 1894 at House Bill No. 8476.
Pinalalakas ng panukalang ito ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act (RA 10931) sa pamamagitan ng pagpapalakas sa Tertiary Education Subsidy (TES) upang matulungan ang mahihirap at maralitang estudyante na manatili sa paaralan at makatapos sa kabila ng kakulangan sa pinansyal na kakayahan.
Itinatakda ng panukalang batas ang awtomatikong TES eligibility para sa mga nagtapos ng Senior High School mula sa mga pamilyang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), pinalalawak ang allowance para sa pangunahing pangangailangan ng mga estudyante, at inaatasan ang lahat ng state universities and colleges, local universities and colleges, at technical‑vocational institutions na magpatupad ng Equity and Inclusion Plans upang matiyak ang patas na akses para sa mga kabataang nasa laylayan.
“Walang kabataan ang dapat mapigil ng kahirapan sa pag‑aaral. Ang batas na ito ay nagbibigay ng lakas ng loob at pantay na pagkakataon para sa bawat estudyante na makatapos nang may dangal,” sabi ni Senadora Loren Legarda, author at sponsor ng nasabing panukala sa Senado.
Nagbibigay rin ang panukala ng dagdag na suporta para sa mga mag-aaral na may kapansanan at nagtatakda ng regular na pagsusuri sa halaga ng TES upang sumabay sa tumataas na gastusin sa edukasyon.
Batay sa ulat ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), bumaba mula 70.73% noong 2018 tungo sa 22.89% noong 2022 ang bilang ng TES beneficiaries mula sa pinakamahihirap na pamilya.
Sa 384,388 na nagtapos ng Senior High School mula sa 4Ps, 4,746 lamang o 1.23% ang nakatanggap ng TES bilang first‑year beneficiaries sa Academic Year 2024‑2025. Tinutugunan ng panukala ang pagbagsak na ito sa pamamagitan ng mas mahigpit na pagtutok at pagpapalawak ng saklaw.
Kasama rin sa panukala ang Private Education Assistance Program na nagbibigay ng suporta sa mga estudyante sa pribadong kolehiyo at TVET schools. Layunin nitong pantayin ang oportunidad upang ang edukasyon ay maging abot-kamay saan man naka-enroll ang kabataan.

Share.
Exit mobile version