NAPIGILAN ng Pulis Taguig ang planong panghoholdap ng isang grupo ng apat katao sa mabilis at saktong counter criminality operation ng kapulisan.
Inabutan ng mga operatiba ng station drug enforcement unit (SDEU), intelligence Division, Tactical Motorized Response Unit, (TMRU), at ng Comembo Subtation ang apat na suspek sa akto ng paggamit ng bawal na droga habang pinaplano ang susunod nilang pagnanakaw.
Sa isinagawang operasyon, naaktuhan din ang dalawang suspek na may dalang pinaghihinalaang ilegal na droga, habang ang isa ay nakuhanan ng ilegal na baril at ang isa naman ay may dalang isang hand fragmentation grenade (MK2), na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto.
Nahaharap ngayon ang apat na suspek sa reklamong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nauna rito ay naitimbre sa Comembo Substation na may grupo ng kalalakihan na kahinahinalang nagtitipon sa isang bahay sa Pembo.
Nagsagawa ng casing operation ang Comembo Police Substation, at nang kumpirmahin ng kanilang confidential asset na isang alyas TAYMAN ang kasama ng grupo ay humingi na ng back up sa Headquarters ang naturang substation na nagresulta sa pagkakadakip sa apat na suspek.
Sa follow-up investigation, napag-alaman na ang mga suspek ay konektado umano sa isang grupo na sangkot sa mga insidente ng hold-up sa Muntinlupa City at Makati City na pinamumunuan naman ng isang alyas ALLAN, na ngayon ay nakaditine sa Muntinlupa.
Tiniyak naman ni Taguig City Chief of Police PCol. Julius C. Añonuevo na kanilang patuloy na pinapaigting ang operasyon laban sa kriminalidad.sa kanilang area of jurisdiction.
Kasunod nito ay pinapaalalahanan ni Col Añonuevo ang publiko na maging mapagmatyag at makipagtulungan sa kapulisan sa pamamagitan ng agarang pagre-report ng anumang kahina-hinalang aktibidad.
Trending
- US VERSUS IRAN : GROUND INVASION NAMUMURO
- Iwa, binalahura si Pampi
- Sam, nagsalita sa hiwalayan third party
- Megan, nagpaka-fan sa BTS sa Korea
- Peso bagsak sa bagong record low : P60.55 kontra dolyar
- 9-anyos minolestiya ng 61-anyos na kapitbahay
- Pulis at Air Force reservist ‘badigard’ ng puganteng Tsino nasa ‘hot water’
- Robbery group sa So.Metro Mla., timbog sa Taguig

