Ipinamalas ni Filipino pool maestro Anton Raga ang isang masterclass performance sa pandaigdigang entablado matapos masungkit ang 2026 Japan Men’s 10-ball Open title sa pamamagitan ng matinding panalo, 8–3, laban sa kapwa Pilipino na si Antonio Lining sa isang kapanapanabik na championship match.
Sa isang all-Filipino final na puno ng tensyon, parehong ipinakita ng dalawang cue artists ang world-class caliber ng bilyar ng Pilipinas.
Gayunpaman, si Raga ang nagdikta ng ritmo mula sa unang rack, ipinakita ang malamig na composure at walang humpay na shotmaking upang tuluyang makalayo kay Lining at makuha ang tiyak na tagumpay.
Ito ang kauna-unahang world title ni Raga at isang malaking tagumpay matapos ang ilang malalalim na kampanya sa pandaigdigang entablado.
Si Raga ay nag-uwi ng ¥1.4 milyon bilang kampeon katumbas ng higit sa kalahating milyong piso.
Sa semifinals, tinalo ni Raga si Miguel Salvilla, 8–6, upang makaharap si Lining sa isang all‑Filipino finals.
Si Lining naman ay nanaig laban kay Valeriano “Val” Pajuay, 8–4, sa 39th Japan Open 2026 na ginanap sa New Pier Hall, Minato City, Tokyo, Japan noong Lunes, Setyembre 21, 2026.
Sa Women’s Division: Tinalo ni Denise “Denden” Santos si Mari Fukawa ng Japan, 7–3, upang makapasok sa finals laban kay Chen Siming ng China, na wagi kontra kay Miyuki Kuribayashi ng Japan, 7–0.
Natuwa ang Games and Amusement Board (GAB) official.
Si Dr. Oliver O. Evangelista, Supervising Administrative Officer ng ProSports Division, sa ilalim ng pamumuno ni Chairman Atty. Francisco J. Rivera, ay nagbigay ng mensahe.
“ Mainit na pagbati sa ating world-class Filipino cue artists sa kanilang kamangha-manghang podium finishes sa prestihiyosong Japan Open!
Para kina Antonio Lining at Anton Raga, sa inyong pambihirang husay at composure sa Men’s 10-Ball Finals.
Para kay Denise Santos, sa iyong kahanga-hangang pagtakbo tungo sa Women’s 9-Ball Finals.
Muli ninyong pinatunayan na ang pusong Pilipino, tapang, at galing sa bilyar ay isang puwersang dapat kilalanin sa pandaigdigang entablado. Ipinagmamalaki ng GAB ang inyong mga tagumpay na nagdadala ng karangalan sa bansa at nagbibigay-inspirasyon sa susunod na henerasyon ng mga atletang Pilipino.
Mabuhay kayo, at nawa’y magpatuloy ang inyong tagumpay sa mga susunod na kompetisyon,” wika ni Evangelista. (Marlon Bernardino)
