Nagbabala ang Philippine Space Agency (PhilSA) sa posibleng pagbagsak ng debris mula sa Long March 8A rocket na inilunsad ng China.

Ayon sa PhilSA, inilunsad ang rocket mula sa Hainan International Commercial Launch Center sa Wenchang, Hainan bandang 9:33 ng gabi noong Miyerkoles.

Maaari umanong bumagsak ang debris sa unang drop zone na nasa 97 nautical miles mula sa Patag Island, 144 nautical miles mula sa Bajo de Masinloc, 190 nautical miles mula sa El Nido, Palawan, at 198 nautical miles mula sa Busuanga, Palawan.

Ang ikalawang drop zone naman ay sa 46 nautical miles mula sa Puerto Princesa, 24 nautical miles mula sa Tubbataha Reefs Natural Park, 105 nautical miles mula sa Pangutaran, Sulu, at 117 nautical miles mula sa Hadji Muhtamad, Basilan.

Hinimok ng PhilSA ang publiko na i-report sa mga lokal na awtoridad ang anumang pinaghihinalaang bahagi ng rocket at nagbabala laban sa paglapit o pagkuha nito dahil maaaring may natitirang nakalalasong rocket fuel.
======
 
Share.
Exit mobile version