Nagsimula nang magpakawala ng sobrang tubig ang Ipo Dam nitong Biyernes ng gabi, Agosto 28, dahil sa patuloy na buhos ng ulan na dala ng Southwest Monsoon o Habagat. Ayon sa ulat ng Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, binuksan ang Radial Gate A ng 15 sentimetro na katumbas ng tinatayang 35 cubic meters per second na agos ng tubig.

Alas-8 ng gabi, umabot na sa 101.17 metro ang antas ng tubig sa dam, lagpas sa normal na 101.10 metro.

Posibleng magpatuloy ang pagpapakawala ng tubig kung magpapatuloy ang ulan sa watershed ng Ipo Dam.

Inabisuhan ang mga lokal na pamahalaan sa Angat, Bustos, San Rafael, Baliwag, Plaridel, Pulilan, Calumpit, Paombong, Hagonoy, at Malolos City na maghanda at magsagawa ng kaukulang hakbang para sa kaligtasan ng mga residente.

 “Manatiling alerto, bantayan ang mga opisyal na abiso, at mag-ingat lalo na sa mga mababang lugar na madaling bahain,” ayon kay OCD Assistant Secretary Bernardo Alejandro IV.

 Patuloy na nakakaapekto ang Habagat sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas, na nagdudulot ng red rainfall warning sa Zambales, Bataan, Pampanga, at ilang bahagi ng Bulacan at Tarlac.

Habang nagpapatuloy ang malakas na ulan, inaasahang magpapatuloy din ang pagpapakawala ng tubig mula sa Ipo Dam. Pinapayuhan ang mga residente sa Bulacan at kalapit na probinsya na maging handa sa posibleng pagbaha at sundin ang mga abiso ng lokal na pamahalaan at PAGASA.

Samantala,  ayon sa ulat ng PAGASA kanginang umaga, patuloy na umiiral ang Habagat (Southwest Monsoon) na nagdadala ng malalakas na pag-ulan sa Luzon at Visayas.

Sa Metro Manila, nakataas ang orange rainfall warning na nagbabadya ng pagbaha sa mabababang lugar.

Sa Zambales, Bataan, Pampanga, at ilang bayan ng Bulacan, nananatili ang red rainfall warning na nangangahulugang seryosong pagbaha ang inaasahan.

Sa ngayon, bandang ng alas-6 ng umaga ngayong Sabado, Agosto 29, 2026, nananatiling kritikal ang sitwasyon ng baha sa Pampanga at Bulacan. Nasa ilalim pa rin ng red rainfall warning ang dalawang probinsya, na nangangahulugang seryosong pagbaha ang inaasahan. May mga ulat ng sapilitang paglilikas sa ilang bayan ng Pampanga matapos bumigay ang Sta. Rita Dam, habang sa Bulacan, ilang bayan gaya ng Hagonoy, Malolos, Paombong, at Calumpit ay lubog na sa baha.

Sa Pampanga : bumigay ang Sta. Rita Dam  sa Lubao, Pampanga, dahilan ng biglaang pagragasa ng tubig at pagkasira ng slope protection. Apat na bahay ang unang naiulat na nasira. Sapilitang paglilikas ang ipinatupad sa danger zones.

Inutos ni Gov. Lilia Pineda ang preemptive at forced evacuation sa mga high-risk barangay.

Sa San Fernando City, umabot sa 4–5 talampakan ang tubig sa ilang subdivision. Sa Guagua at Floridablanca, umapaw ang Guagua-Pasac River. Sa Lubao, ilang bahay ang inanod ng baha.

Mahigit 315,000 pamilya (1.01 milyon katao) ang naapektuhan. May 176 evacuation centers na pansamantalang tumutulong sa libu-libong residente.

Sa  Bulacan. Inabiso ang Red Rainfall Warning sa Hagonoy, Malolos, Paombong, Bulakan, Calumpit, Baliuag, Pulilan, Bustos, Pandi, Santa Maria, Marilao, Meycauayan, Obando, Bocaue, Guiguinto, Plaridel, Balagtas.

Orange Warning sa  Angat, San Jose del Monte, Norzagaray, San Ildefonso, San Miguel, San Rafael.

Ang  Malolos at Hagonoy ay nakaranas ng mabilis na pagtaas ng tubig, na nagdulot ng pagbaha sa mga pangunahing kalsada at kabahayan.

Huwag nang hintayin pang tumaas ang baha bago lumikas.Sundin po  ang abiso ng LGU at PDRRMC, lalo na sa Pampanga kung saan inaasahang magpapatuloy ang ulan hanggang Agosto 31.

Share.
Exit mobile version