Maaaring mawalan ang pamahalaan ng mahigit P320 bilyong kita kung ipatutupad ang suspensyon ng value-added tax (VAT), ayon kay Senate Pro Tempore Ping Lacson nitong Linggo, Abril 5, 2026.
Ipinaliwanag ng senador na malaki ang magiging epekto nito sa kita ng gobyerno, lalo na kung isasabay pa ito sa pagkawala ng kita mula sa excise tax sa petrolyo.
“Sa excise tax lang, assuming na aabot tayo sa 2027, nasa mga P200 billion yung impact sa foregone revenues,” ani Lacson sa panayam sa kaniya ng isang radio station.
Hirit pa niya, “May suggestion pa na i-suspend pa ang VAT. Magdodoble iyan, papalo tayo ng P320 plus billion kung pati ang VAT i-suspend dahil sa krisis.”
Binigyang-diin din ng senador na kinakailangang pag-aralang mabuti ang panukalang suspensyon ng VAT dahil maaari itong magkaroon ng malalim na epekto sa ekonomiya, partikular sa gross domestic product (GDP) ng bansa.
“Hindi ganoong kasimple kasi tinitingnan lang natin suspend, suspend (VAT) para masiyahan yung mga kababayan natin pero yung impact niya sa gross domestic product natin, sa GDP matindi. In the long term or in the medium term, tayo rin ang tatamaan,” dagdag pa niya.
Sa kasalukuyan, naniniwala si Lacson na sapat na ang pansamantalang pagsuspinde ng excise tax sa mga produktong petrolyo upang maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Matatandaang nauna nang sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magpupulong ang Development Budget Coordination Committee upang talakayin ang paggamit ng emergency powers kaugnay sa posibleng pagsuspinde o pagbabawas ng excise tax sa produktong petrolyo.
Ang naturang kapangyarihan ay nakapaloob sa isang bagong batas na nilagdaan ng Pangulo, na nagpapahintulot sa pansamantalang suspensyon o pagbabawas ng excise tax sa loob ng hanggang tatlong buwan.
Sa gitna nito, inaasahan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng diesel, na maaaring umabot sa P17 hanggang P19 kada litro. Posible umanong pumalo sa P165 kada litro ang regular diesel at lumagpas sa P170 ang premium diesel, bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado dahil sa tensyon sa Middle East.
Patuloy namang binabantayan ng pamahalaan ang sitwasyon upang makahanap ng mga hakbang na makatutulong sa publiko habang pinangangalagaan ang katatagan ng ekonomiya ng bansa.
Trending
- Pambato ng PTA umabante sa Philta Women’s Open semis
- Annie Ramirez, Yman Xavier Baluyo PH flag bearers sa Asian Beach Games opening ceremony
- Celeste, ready ng magpa-sexy
- Kyline, magbibigay ng ayuda sa mga driver ng jeep
- Bea-Vincent wedding ‘di tuloy sa May 16
- 12 ex-Marines sa ‘maleta scam,’ Zaldy Co, paghaharapin sa Blue Ribbon hearing
- Validity ng mga lisensya at registration, extended na
- Angkas babawasan komisyon sa mga rider
