Upang gawin moderno ang agrikultura sa bansa inilunsad ng Department of Agriculture (DA), World Bank at ng United Kingdom noong Biyernes, May 15, ang Philippine Sustainable Agriculture Transformation (PSAT) Program, kaakibat ang USD1-billion financing package ng World Bank (WB), para mapalakas ang produksiyon, at mapatatag ang seguridad sa pagkain.
Ang PSAT ang kauna-unahang proyekto ng Pilipinas  sa ilalim ng Program-for-Results (PforR) model  ng World Bank, na nagpopondo batay sa resulta sa halip na paunang bayad. Ang proyekto ay patunay ng tiwala sa reform agenda ng DA at pagbabago tungo sa resulta mula sa pondong pangkaunlaran.
“Ang pondong ito  ay nagbibigay-daan  sa atin para isulong ang pagpapataas ng ani, magpapatatag sa supply ng pagkain, at protektahan ang milyon-milyong kabuhayang nakadepende sa agrikultura. Sa pamamagitan ng pagpapalakas sa  value chains at katatagan sa klima, susuportahan natin ang kita sa mga kanayunan at palakasin ang pangunahing haligi ng ekonomiya,” ani Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr.
Kaugnay nito target ng programa ang tatlong larangan ng resulta. Ang pagtaas sa rice-based farming output, pagpapabuti ng kahusayan at katatagan sa klima sa value chains, at pagpapahusay sa kakayahan ng institusyon.
Sa pamamagitan ng pag-uugnay sa produktibong ani sa pinahusay o upgraded na supply chains at mga reporma sa gobyerno,  layon ng PSAT na makapaghatid ng konkretong resulta na hindi nagawa sa mga nakalipas na  programa sa agrikultura.
Samantala tampok sa programa ay ang paggamit ng disbursement -linked indicators (DLIs), na nagtatakda sa gobyerno na makamit ang mga target na nais mapatunayan bago makuha ang pondo.  Bagamat maaring mapabagal  ang inisyal na pagpapalabas ng pondo, ipapatupad ang pananagutan at pagtutok sa resulta.
Inaasahan ng gobyerno ang inisyal na paglabas ng  USD300 million ngayong 2026, magbibigay  ito ng suportang pinansiyal sa gitna ng pressure sa enerhiya at mga pagsubok na may kinalaman sa klima.  
“Ang mga programang ito ay makakatulong sa tinatayang limang milyong  magsasaka na maghanap ng alternatibong pagkakitaan,  tataas ang kita, at pangasiwaan ang mga banta sa klima. Makikinabang ang  komunidad  sa mga kanayunan sa  mga modernong serbisyo, mas malakas na value chains, at  mas matatag na sistema sa pagkain,” ani  Zafer Mustafaoğlu  World Bank Division Director for the Philippines, Malaysia, and Brunei.
Sa ginanap na paglulunsad  sa proyekto, binigyang-diin ni British Ambassador Sarah Hulton OBE  ang mahalagang ugnayan  ng agrikultura sa climate change, seguridad sa pagkain, at paglago ng ekonomiya, kasabay ang pagdidiin sa agarang aksiyon sa pagbabago.

Share.