Natapos na ang negosasyon para sa ASEAN Digital Economy Framework Agreement (DEFA), ang kauna-unahang komprehensibong kasunduan sa digital economy sa rehiyon, na nakatakdang pirmahan sa Nobyembre ngayong taon.
Ayon sa Department of Trade and Industry – Bureau of International Trade Relations, lahat ng natitirang isyu sa negosasyon ay naresolba sa ikalawang pulong ng 57th ASEAN Senior Economic Officials Meeting (SEOM) na ginanap sa Maynila mula Mayo 27 hanggang 29.
Sinabi ni SEOM Chair Mary Sherylyn Aquia na ito ay isang mahalagang tagumpay para sa ASEAN dahil isinusulong nito ang layunin ng rehiyon na magkaroon ng isang “digitally integrated, secure, interoperable, competitive, and inclusive regional economy.”
Inaasahang magkakaroon ng malaking epekto ang DEFA sa paglago ng digital economy sa ASEAN, na posibleng umabot sa USD 1 trilyon pagsapit ng 2030 at maaaring dumoble sa USD 2 trilyon kung maipapatupad nang maayos ang kasunduan.
Saklaw ng kasunduan ang digital trade, cross-border e-commerce, data governance at privacy, digital identity, electronic payments, online safety, cybersecurity cooperation, artificial intelligence, at digital talent mobility.
Layunin din nitong pababain ang hadlang sa cross-border digital trade, palakasin ang tiwala sa online transactions, at tulungan ang micro, small, and medium enterprises (MSMEs) sa rehiyon.
Ayon sa mga opisyal ng ASEAN, ang kasunduan ay bahagi ng mas malawak na digital integration efforts ng rehiyon at inaasahang magpapalakas sa kompetisyon, pamumuhunan, inobasyon, at oportunidad para sa mga negosyo at mamamayan sa ASEAN.
Sinabi rin ng mga opisyal na mahalaga ang agarang pagpirma at maayos na implementasyon ng kasunduan upang ganap na makinabang ang lahat ng miyembrong bansa.

Share.