Nakikipag-ugnayan ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Office of the Sergeant-at-Arms upang tiyakin ang seguridad at kaayusan sa paligid ng Senado habang nakatakdang magsimula ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Hulyo 6, 2026.
Ayon kay Police Major Hazel Asilo, layunin din ng koordinasyon na mapabuti ang crowd control at matiyak ang kaligtasan ng mga pumapasok at lumalabas sa gusali ng Senado.
“Patuloy na pakikipag-coordinate sa Senate security para ma-ensure natin na as soon as lumabas sa compound ng Senate, masasalo na ng ating pulis kung sino ang lalabas or kung kinakailangan silang i-assist para pag may pagtitipon, magagawang ma-clear natin ang daan nila,” ani Asilo.
Dagdag niya, pinag-uusapan din kung kinakailangan ang paglalagay ng mga harang o barriers dahil sa inaasahang malaking pagbabago sa seguridad.
Nauna nang nagpahayag ng pagkadismaya si Senator Vicente Sotto III sa pamamahala ng seguridad sa labas ng Senado matapos niyang sabihin na siya ay inatake ng mga nagpoprotesta na umano’y kumatok sa kanyang sasakyan, naghagis ng bote, at nagbitiw ng masasamang salita habang palabas ng Senate compound.
Sinabi rin ng NCRPO na may nakahandang reserve personnel sakaling lumala ang sitwasyon sa panahon ng paglilitis, at mayroon nang mga checkpoint sa paligid ng Pasay City.
Samantala, hanggang Hunyo 1 ang itinakdang deadline para sa sagot ni Duterte sa writ of summons kaugnay ng impeachment case. Kinumpirma ng Office of the Vice President na natanggap na nito ang mga dokumento, ngunit wala pa itong isinusumiteng tugon.
Sa ilalim ng Resolution No. 39 o Rules of Procedure on Impeachment Trial, may sampung araw si Duterte mula sa pagtanggap ng summons upang magsumite ng kanyang sagot. Maaari namang magsumite ng tugon ang prosecution sa loob ng limang araw matapos matanggap ang kanyang sagot.
Ayon kay Senator Erwin Tulfo, magkakaroon muna ng regular na sesyon ang Senado sa umaga bago isagawa ang impeachment trial tuwing hapon mula Lunes hanggang Miyerkules.
Na-impeach si Duterte ng House of Representatives dahil sa mga alegasyon ng culpable violation of the Constitution, graft and corruption, betrayal of public trust, bribery, at iba pang mabibigat na krimen.

Share.