Dahil sa matinding kakulangan ng mga developmental pediatrician sa bansa at sa mabigat na pasanin sa pananalapi ng mga pamilyang may anak na may autism, naghain si Deputy Speaker at Bacolod Rep. Alfredo Benitez ng isang panukalang batas upang baguhin at patatagin ang sistema ng suporta para sa mga indibidwal na may Autism Spectrum Disorder (ASD).
Ang panukalang batas na tinaguriang “National Autism Program Act” ay nag-aatas sa pamahalaan na tustusan ang mga serbisyo para sa early intervention, ipatupad ang zero-rejection policy sa mga paaralan, at magkaloob ng buwanang ayuda para sa mga pamilyang kumakalinga sa mga may ganitong pangmatagalang kondisyon.
Ayon sa datos mula sa Autism Society of the Philippines (ASP), tinatayang 1 sa bawat 100 Pilipino ang may autism o katumbas ng 1.2 milyong indibidwal, kabilang ang halos 350,000 mga bata.
Sa kabila ng mataas na bilang na ito, umaabot sa isang taon ang hihintayin ng mga pamilya para sa isang diagnostic assessment na nagkakahalaga ng ₱4,000 hanggang ₱5,000. Ang mga kasunod na therapy naman ay karaniwang nagkakahalaga ng ₱1,000 bawat sesyon, na kailangang gawin apat hanggang limang beses sa isang linggo.
”Ito ang masakit na katotohanan, ang mga pamilyang may mababa at katamtamang kita ay tuluyang nawawalan ng pagkakataon na maipagamot ang kanilang mga anak dahil sa sobrang mahal ng bayarin,” ani Benitez.
“Ang early intervention ay hindi dapat maging isang luho. Kung ang kinabukasan ng isang bata para maging independent ay nakasalalay sa mga therapy na dapat ibigay sa edad na dalawa o tatlong taon, tungkulin ng pamahalaan na pumasok at punan ang kakulangang ito, ” giit ni Benitez.
Upang tugunan ang usaping pinansyal, inoobliga ng panukalang batas ang PhilHealth na magpatupad ng isang voucher system na magbibigay ng full coverage para sa mga occupational, speech, at behavioral therapies sa mga pampubliko at accredited na private centers.
Magtatatag din ito ng ₱4,000 buwanang Autism Support Allowance sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang makatulong sa pang-araw-araw na gastusin.
Bukod sa kalusugan, layunin din ng batas na isulong ang karapatan sa edukasyon.
Tinitiyak ang isang libreng developmental assessment taon-taon para sa mga batang diagnosed na may autism na edad lima pababa, at inaatasan ang mga local government unit(LGUs) na magtayo ng mga Barangay Therapy Center.
Mahigpit na ipinagbabawal sa mga paaralan ang pagtanggi sa pagpapatala ng mag-aaral dahil lamang sa kanyang autism, at pinagbabawalan silang humingi ng assessment report bago tanggapin ang bata. May kaukulang parusa ang sinumang lalabag dito.
Inaatasan ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na gumawa ng mga angkop na programang vocational habang ang Department of Finance (DOF) naman ay magkakaloob ng tax incentives sa mga kumpanyang mag-eempleyo ng mga indibidwal na nasa spectrum.
Ipinag-uutos ang pagtatayo ng mga permanenteng pasilidad o shelter ng pamahalaan para sa mga inabandonang bata o matatandang may autism, kasabay ng pagbibigay ng karagdagang 7 araw na parental leave kada taon para sa mga carers o tagapangalaga.
”Ang bawat bata, anuman ang kanilang kakayahan o pagkakaiba, ay may karapatang tratuhin nang may buong dignidad, respeto, at pantay na pagkakataon,” diin ni Benitez.
“Ang batas na ito ay hindi lang basta paglalagay ng ayuda, ito ay isang sadyang pagbabago sa ating sistema ng edukasyon, kalusugan, at paggawa upang wakasan ang diskriminasyon at simulan ang tunay na pagtanggap. Utang natin sa mga batang ito ang isang kinabukasan kung saan maaabot nila ang kanilang buong potensyal at mamuhay nang may sariling kakayahan,” ani Benitez.
Sa ilalim ng panukalang batas na ito, itataguyod din ang isang National Autism Center (NAC) sa ilalim ng Department of Health (DOH) upang mamahala sa taunang pagsusuri at pananaliksik, upang matiyak na ang mga programa ng pamahalaan ay laging nakabatay sa pinakabagong mga datos.

Share.
Exit mobile version