Hindi napigilan ni Nadine Samonte ang maglabas ng saloobin matapos umano siyang makaranas ng hindi magandang serbisyo mula sa ilang flight attendant ng isang local airline.
Sa isang Facebook post, ikinuwento ng aktres na kadalasan ay hindi siya nagpo-post ng mga personal na reklamo, pero this time ay napilitan siyang magsalita dahil sa nangyari sa kanilang mag-ina.
“Bihira ako magpost sa social media ng mga nangyayari samin pero this is unacceptable and very wrong!” ani Nadine.
Ayon sa celebrity mom, labis siyang nadismaya sa umano’y paghawak ng ilang crew members sa sitwasyon.
Nanawagan pa siya sa airline na repasuhin ang asal at professionalism ng kanilang mga empleyado.
“Please review your flight attendants’ attitude and the way they managed the situation. Their lack of professionalism and compassion was very very disappointing,” saad niya.
Sa comment section ng kanyang post, muling binigyang-diin ni Nadine ang kahalagahan ng kabaitan at malasakit sa pakikitungo sa mga pasahero.
“Being kind goes a long way, and it costs nothing. Sometimes, a little kindness and compassion can make a huge difference in someone’s day,” dagdag pa niya.
Ibinahagi rin ng aktres na matagal na nilang tinatangkilik ang naturang airline, kaya lalo siyang nalungkot sa naging karanasan.
Dahil dito, aminado siyang napaisip kung muli pa ba niya itong susuportahan sa hinaharap.
“Airlines are not remembered only for their planes or destinations — they are remembered for how they treat people,” pahayag ni Nadine.
Bagama’t nauunawaan niya ang kahalagahan ng safety protocols dahil madalas siyang bumiyahe, naniniwala siyang puwede sanang naresolba ang sitwasyon sa mas maayos at mas makataong paraan.
Hindi rin itinago ng aktres ang planong magsampa ng pormal na reklamo laban sa mga sangkot.
“What happened was very inhumane, and I will be filing a formal complaint when I get back. Just wait,” aniya.
May mensahe rin siya para sa airline kaugnay sa umano’y reaksyon ng ilang crew members online.
“Tell your crew to stop commenting ng sabay sabay kasi masyadong obvious,” hirit pa niya.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang airline tungkol sa mga alegasyong ibinahagi ng aktres.

Share.
Exit mobile version