Hindi umano direktang tinanggap ni dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang mga maletang sinasabing naglalaman ng kickbacks mula sa P56 bilyong flood control scam, ayon sa supplemental complaint-affidavit ng Office of the Ombudsman.
Sa 104-pahinang dokumento, pinangalanan ng Ombudsman ang household employee ni Romualdez na si Jocelyn Sereño.
Si Sereño ang umano’y regular na tumanggap, nag-asikaso, at naghatid ng mga maleta na dala ng security personnel ni dating Rep. Zaldy Co sa mga tahanan ni Romualdez.
Kabilang umano sa mga delivery ang 10 malalaking maleta noong Setyembre 2022 at 28 maleta noong Disyembre 2022 sa 42 McKinley Road.
Noong Nobyembre 2023, nasa 22 maleta naman umano ang dinala sa naturang address, na sinundan ng isa pang delivery na tinatayang 50 maleta at ilang kahon noong Disyembre.
Pagsapit ng 2024, lumipat umano ang mga delivery sa 14 Narra Avenue, Forbes Park, habang nire-renovate ang McKinley Road residence. Apat na magkakahiwalay na biyahe umano ang nagdala roon ng 17, 20, 28 at 20 maleta.
Ayon sa Ombudsman, hindi lamang basta tumanggap ng mga maleta si Sereño kundi umano’y nag-utos din sa mga driver at security personnel kung saan dadalhin ang mga ito sa loob ng bahay.
Sinabi rin ng mga prosecutor na sina Sereño at iba pang household personnel ay umano’y naghatid ng cash sa Samchan Foreign Exchange Corp. sa utos ni Romualdez.
Ginamit umano ang mga transaksiyon sa Samchan upang magmukhang lehitimong foreign exchange proceeds ang pera bago ito ginamit sa pagbili ng mga asset.
Iginiit naman ng Ombudsman na ang paulit-ulit na pagtanggap at paghawak ni Sereño sa mga maleta at ang umano’y pagdadala niya ng cash sa Samchan ay bahagi ng laundering scheme.
====

Share.