Sinabi ni Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro, chairperson ng House Committee on Justice, na ang mga ebidensya laban kay Vice President Sara Duterte ay “lumampas na” sa kinakailangang antas para maitaguyod ang probable cause sa impeachment. Huwebes, Abril 23.
Sa isang interbyu, sinabi ni Luistro na ang mga dokumentong ipinrisinta sa pagdinig noong Miyerkules ay nagpapakita na ang malalaking bank transactions nina Duterte at ng kaniyang asawa ay tila hindi tumutugma sa kanilang pinagsamang net worth. Binanggit din niya ang umano’y hindi pagdedeklara ng Bise Presidente ng cash at bank deposits sa loob ng anim na taon.
Dagdag pa ni Luistro, kabilang din sa mga tinalakay ang notices of disallowance ng Commission on Audit (COA) kaugnay ng paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President na umabot sa P448 milyon.
“I think if not at par baka sobra pa sa probable cause,” aniya.
“This is confirmatory also to the allegations in the two impeachment complaints. Sa pamamagitan ng mga evidence na lumabas kahapon at least for the majority of the Justice members, napatunayan nila may basis ang allegations sa impeachment complaint,” dagdag niya.
Si Duterte ay nahaharap sa mga akusasyon ng maling paggamit ng confidential funds, pagbabanta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ilegal na pag-aari ng yaman, at hindi tumpak at kumpletong deklarasyon ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN). Nauna nang sinabi ni Luistro na ang isyu sa SALN ay maaaring maituring na betrayal of public trust, isang impeachable offense sa ilalim ng Konstitusyon.
Kasalukuyang tinutukoy ng House Committee on Justice kung may sapat na probable cause upang iakyat sa plenaryo ng Kamara ang impeachment complaint para sa botohan.
Samantala, kinuwestiyon ni Davao City 3rd District Rep. Isidro Ungab ang mga numerong inilatag sa pagdinig ng Kamara, partikular ang ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na nagsasabing umabot sa P6.77 bilyon ang “suspicious” at “covered” transactions nina Duterte at ng kaniyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio mula 2006 hanggang 2025.
Ayon kay Ungab, dapat ay limitado lamang sa panahon ng panunungkulan ni Duterte bilang Bise Presidente ang pagsusuri. Aniya, kung 2022 hanggang 2026 lamang ang pagbabatayan, ang kabuuang halaga ay nasa humigit-kumulang P63.8 milyon, hindi P3.92 bilyon.
Dagdag pa niya, ang AMLC report ay hindi patunay ng plunder o malversation kundi isang “investigative lead, not automatic proof of guilt,” at bahagi ng mga patakarang nagpoprotekta sa good-faith reporting.
Gayunman, iginiit ni House Justice Committee member at Manila 3rd District Rep. Joel Chua na hindi ang halaga ng transaksyon ang isyu kundi ang hindi pagtutugma ng bank records sa SALN.
Ayon kay Chua, ipinakita ng AMLC report na may mga transaksyon mula 2019 hanggang 2024 na hindi tumutugma sa SALN ni Duterte na nagsasabing wala siyang cash on hand o bank deposits.
“Ang punto dito ay hindi kung P3.92 billion ba across the years o P63.8 million lang from 2022 onward. Ang punto dito ay kahit magkano pa ‘yan, bakit zero ang dineclare mong cash on hand at cash in bank sa SALN mo? It is a violation of the sanctity of the SALN declaration.” aniya.
“Hindi nagtutugma ang ipinapakitang daloy ng pera at ang mismong sinumpaang isinumite sa SALN, at doon pumapasok ang seryosong tanong sa transparency at full disclosure,” dagdag niya.
“Regardless of how much bank transactions Sara Duterte did as Vice President, not a single centavo was declared in her SALN. ‘Yun ang hindi nila masagot nang diretso,” giit pa ni Chua.
Trending
- 2 kelot nanugod na may kasamang pagbabanta sa isang bahay
- 2 sales agent hinoldap na, pinatay pa
- 12 katao, patay sa dengue sa Quezon City
- DOJ: Leviste, iba pa inireklamo ng DOE
- NBI dumepensa sa pekeng “marked money”
- NBI, mag-a-apply ng cyber warrant
- Larawan ng 4 ‘bigtime’ most wanted sa Bulacan
- ‘Killer’ ng 14 sundalo, arestado sa Quirino

