Nilinaw ng Land Transportation Office (LTO) nitong Biyernes, Mayo 1, na walang blanket ban sa electric bicycles (e-bikes) at electric tricycles (e-trikes), at iginiit na maaari pa ring mag-operate ang mga ito sa city at municipal roads.
Ito ay kasunod ng pagtatanong ng Move As One Coalition kay LTO chief Markus Lacanilao kung mayroon nga ba talagang ban sa mga e-bike at e-trike at tinukoy ang nakakalitong tugon ng LTO sa pinakahuling liham na nananawagan sa pag-alis ng restriksyon dito dahil sa tuloy-tuloy na oil price hike.
Sa pahayag, sinabi ni Lacanilao na ang restriksyon ay para lamang sa mga national highway at major thoroughfares katulad ng Epifanio de los Santos Avenue (EDSA), C-5, Roxas Boulevard, at iba pa.
“To be clear, there is no blanket ban on e-bikes and e-trikes. These vehicles remain free to operate on city and municipal roads,” ani Lacanilao.
Ipinaliwanag niya na ang restriksyon sa national highways ay batay sa kaligtasan sa kalsada lalo na ang kaibahan ng bilis ng mga e-trike at regular motor vehicles.
“This action is preventive, not punitive. It is aimed at protecting riders, motorists, and the general public from foreseeable harm,” ipinunto pa niya.
Noong Enero 2 nang simulang ipagbawal ng LTO ang mga e-trike at e-bike sa pangunahing kalsada sa Metro Manila dahil sa “general considerations of road safety.”
Dito na naglabas ng panuntunan at informational campaigns ang LTO sa naturang pagbabawal.

Share.