Sa halip na pag-usapan kung gaano kabilis bumalik sa dating pangangatawan, mas nais ni Lovi Poe na bigyang-diin ang pagkakaiba-iba ng postpartum recovery ng bawat babae.

Ito ang mensahe ng aktres nang mapag-usapan sa “Fast Talk with Boy Abunda” ang kanyang toned abs na napansin ng publiko ilang linggo matapos niyang isilang ang panganay nila ng asawang si Montgomery Blencowe.

Hindi naman nagbigay ng kung anu-anong sikreto si Lovi at maging ang naging itsura ng kanyang katawan ay hindi niya masyadong pinagtuunan ng pansin.

Bukod sa tingin niyang nakatulong ang magandang lighting, itinuring din ni Lovi na maaaring kombinasyon ito ng swerte, matagal na pag-eehersisyo at patuloy na pag-aalaga niya sa kanyang kalusugan.

“Tito Boy, magandang lighting lang ‘yan. No, I don’t know, siguro I got lucky and I don’t know kung years of investment in terms of my body and working out, health, but good lighting talaga helps,” saad niya.

Pero agad niyang nilinaw na hindi dapat ikumpara ng ibang babae, lalo na ng mga bagong panganak na ina, ang kanilang sarili sa kanyang karanasan.

“I also want women to know that this should not be, like, a basis only of how women should be or how mothers should be. We all have different ways of bouncing back. Parang we all have different recoveries,” pahayag niya.

Sa parehong panayam, mas personal namang bahagi ng buhay niya bilang bagong ina ang ibinahagi ni Lovi.

Aminado siyang dati ay hindi pa siya ganap na handang isantabi ang ilang bagay para sa pagkakaroon ng pamilya dahil abala siya sa kanyang career at marami pa siyang nakaplanong proyekto.

“I wanna hold it off first. My husband and I, nagkakaroon pa kami ng usapan or argument about it and then like I wanna hold it off first kasi nga, I have so many projects lined up and all these things,” kuwento niya.

Nagbago lamang ang kanyang pananaw nang maramdaman niyang panahon na para unahin din ang personal na buhay at pamilya.

“And then eventually I’m like, ‘You know what? Maybe it’s time unahin ko ‘yung sarili ko in terms of like family.’ And oh, how happy I am now,” ani Lovi.
=====

Share.
Exit mobile version