Nakipagkita si Vice President Sara Duterte sa mga miyembro ng women-led community organization sa Zamboanga del Sur para pag-usapan ang posibleng livelihood support mula sa Office of the Vice President (OVP).
Sa Facebook post, sinabi ni Duterte na binisita niya ang grupong Makabagong Ina at Kababaihan Tungo sa Asenso (MIKA) sa kanyang biyahe sa Pagadian City noong Marso.
“Masaya tayo na makausap at personal na makumusta ang ilang miyembro ng grupong Makabagong Ina at Kababaihan Tungo sa Asenso (MIKA) ng Zamboanga del Sur nang tumungo ako sa Pagadian City noong Marso,” ani Duterte.
Kabilang sa usapan ang palitan ng ideya kung paano makakapagbigay ng tulong ang OVP sa grupo at mga miyembro nito.
Hindi na tinukoy pa ni Duterte ang eksaktong tulong na ipapaabot sa grupo ngunit iginiit ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa grassroots organizations.
Ang MIKA ay isang community-based organization na binubuo ng mga nanay at kababaihan na layong ipromote ang empowerment sa pamamagitan ng livelihood opportunities at paglahok sa community activities.
Ang MIKA chapter sa San Pedro, Laguna, ani Duterte, ang unang benepisyaryo ng “Mag Negosyo Ta ‘Day” program ng OVP na nagbibigay ng suporta sa small-scale livelihood initiatives.

Share.
Exit mobile version