BILANG bahagi ng pagdiriwang nitong nakalipas na Kaarawan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., iba’t ibang programa at serbisyo ng pambansang pamahalaan ang nahatid sa Lungsod ng Las Piñas sa ilalim ng “Handog ng Pangulo: Serbisyong Sapat Para sa Lahat”.

Mahigit 2,000 Las Piñeros ang nakibahagi sa programa, na pinangunahan nina MMDA Chairman Romando Artes, Mayor April Aguilar, Vice Mayor Mel Aguilar, Congressman Mark Anthony Santos, at Barangay Pilar Captain Ronnie Fuentes. Kasabay ng selebrasyon sa Las Piñas ay isinagawa rin ang programa sa 94 na lokal na pamahalaan mula Luzon, Visayas, at Mindanao upang mas maraming Pilipino ang mapalapit sa mga serbisyong maaari nilang mapakinabangan.

Sa lungsod ng Las Piñas, tampok ang iba’t ibang serbisyong pangkalusugan, kabuhayan at iba pang programa ng pambansang pamahalaan kabilang ang MMDA, DSWD, DA, DOH, Philhealth, DOJ, PNP, TESDA, OWWA at DTI.

Nagbigay rin ng suporta ang DILG at DICT kaya’t mas naging maayos ang pagdaraos ng okasyon sa lungsod.

Ipinahatid naman ni Mayor April ang kanyang pasasalamat kay Pangulong Marcos Jr. sa patuloy na paghahatid ng mga programa at serbisyo sa mga Pilipino, gayundin sa pagkakataong maging bahagi ng pagdiriwang ng kanyang kaarawan na nakatuon sa paglilingkod sa mamamayan.

Mula sa City of Las Piñas, muling nagpasalamat kay Pangulong Bongbong Marcos Jr, sa inyong patuloy na paglilingkod at malasakit sa ating mga kababayan.(Gina Garcia)

 

Share.
Exit mobile version