Nahulog sa kamay ng otoridad ang bebot na matagal ng wanted sa kasong carnapping sa Quezon City matapos madakip ng pulisya nitong Huwebes ng gabi sa Caloocan City.
Mahigit pitong taon ding nagtago sa batas ang puganteng si alyas “Lily” bago nasukol ng mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili sa harap ng Gate 2, Zamora Compound, Camarin Road, Brgy. 172 dakong alas-7:15 ng gabi .
Matagal ng tinutugis ng pulisya si alyas Lily mula nang maglabas ng warrant of arrest laban sa kanya ang Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 92 noong Marso 15, 2019 para sa kasong paglabag sa R.A. 10883 o ang New Anti‑Carnapping Act na may inilaang piyansang ₱300,000.00..
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Officer‑in‑Charge P/BGen. Christopher N Abrahano, ang pakakadakip sa akusado ay bahagi ng pinalakas at patuloy nilang pagsisikap na tukuyin at dakpin ang mga taong may nakabimbing warrant of arrest sa kinakaharap na kaso.
Pinuri rin niya ang mga umarestong pulis sa kanilang pagsisikap at propesyunalismo, kasabay ng pagbibigay diin na ang pagsisilbi ng warrant sa mga wanted na kriminal ay nananatiling pinakamahalagang bahagi ng kanilang mga pangunahing tungkulin.(RogerPanizal)
