Patay na nang matagpuan ang isang lalaking guro sa loob ng isang lodging house sa lungsod ng Koronadal.
Kinilala ang biktima na si Ebrahim Mangulamas, 32 taong gulang, residente ng Barangay Barurao, Sultan sa Barongis, Maguindanao del Sur, at nagtuturo sa Datu Mamalo Memorial National High School sa nasabing bayan.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, huling nakitang pumasok ang biktima sa isang silid kasama ang isang hindi pa nakikilalang babae 11:30 ng umaga.
Pagsapit ng 6:40 ng gabi, napansin ng caretaker na hindi pa ito lumalabas o tumutugon, dahilan upang buksan ang kwarto kung saan natagpuan ang kanyang walang buhay na katawan.
Napag-alaman na nakaalis na ang babaeng kasama ng biktima bago pa man ito madiskubre, at patuloy pa siyang hinahanap ng mga awtoridad para sa paglilinaw sa insidente.
Sa paunang pagsusuri ng forensic team, walang nakitang malinaw na indikasyon ng pisikal na pananakit o karahasan sa katawan ng biktima. Isa sa mga tinitingnang anggulo ang posibilidad na dulot ng natural na sanhi o karamdaman ito.
Gayunpaman, hindi kumbinsido ang pamilya ng biktima, na nagsabing may napansin silang dugo sa mukha at posibleng palatandaan ng pananakit sa katawan nito.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon upang matukoy ang eksaktong sanhi ng pagkamatay ng guro at upang mabigyang-linaw ang lahat ng pangyayari kaugnay ng insidente.

Share.