Nanawagan si dating Bayan Muna party-list Rep. Carlos Isagani Zarate kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na i-refund ang value-added tax (VAT) na kinolekta sa mga konsyumer mula Enero 2025 dahil sa kuryente na mula sa natural gas.
Ginawa ng dating mambabatas ang panawagan kay Marcos kasunod ng Revenue Regulations No. 002-2026 ng Bureau of Internal Revenue (BIR) noong March 5, 2026, na libre na sa VAT ang mga kuryenteng binili at ibinenta mula sa “natural gas and aggregated gas”.
“Malinaw ang ating posisyon: dapat retroactive ang VAT exemption mula Enero 2025 o at least mula nilabas ang IRR nito. Hindi makatarungan na ang batas ay ipinatupad lamang ngayon, habang milyun-milyong Pilipino ang nagbayad ng dagdag na buwis sa kuryente sa loob ng mahigit isang taon,” ani Zarate.
Ipinaliwanag ng mambabatas na nakasaad sa Republic Act No. 12120 o Philippine Natural Gas Industry Development Act na retroactive kapag tinanggal ang VAT sa mga kuryenteng na-produce mula sa natural gas.
Gayunpaman, sa revenue regulation na inilabas ng BIR, hindi ito retroactive kaya hindi na maibabalik ang buwis na binayaran o siningil sa mga consumers mula Enero 2025 kaya pinalagan ito ng dating mambabatas.
“The law is clear in its intent—to provide fiscal incentives for natural gas development and to ease the burden on consumers. Yet the Marcos administration has chosen to delay implementation, allowing the government to continue collecting excessive VAT from ordinary Filipinos. This is a betrayal of the spirit of RA 12120 and a slap in the face to struggling families,” dagdag pa ni Zarate.
“Sa tindi ng krisis ngayon, dapat magbigay ng refund sa lahat ng VAT na nakolekta mula nang naging batas ang RA 12120,” dagdag pa ng dating mambabatas.
Hindi idinetalye ni Zarate kung magkano ang nasingil na VAT sa mga consumer mula Enero 2025 subalit malaking tulong aniya sana ito sa mga consumers kung irefund ito lalo na’t patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Maliban dito, hindi dapat ang mga puro pabor sa mga malalaking negosyante ang galawan ng gobyerno dahil hindi ang mga ito ang nahihirapan kundi ang mga consumers sa mataas na bayarin sa kuryente.
“Kailangan ng aksyon, hindi lamang ng salita. Ang administrasyon ay may kapangyarihang gawing retroactive ang batas. Kung hindi nila gagawin, ito ay patunay na wala sila pake sa interes ng mamamayan,” ayon pa kay Zarate.

Share.