Ibinida ni Kaye Abad ang isang makabuluhang tattoo na sumisimbolo sa kanyang naging laban at tagumpay kontra breast cancer.
Sa gitna ng paggunita ng Cancer Survivors Month ngayong Hunyo, nagpa-tattoo ang aktres ng pink ribbon tattoo sa kanyang kanang tagiliran bilang paalala ng kanyang pinagdaanang matinding pagsubok sa kalusugan.
Ayon sa tattoo studio na 032 Tattoo, personal na pinili at ipinalagay ni Kaye ang disenyo bilang representasyon ng kanyang journey bilang cancer survivor.
Ang pink ribbon ay kinikilala sa buong mundo bilang simbolo ng suporta, awareness, at pakikibaka laban sa breast cancer.
Sa caption ng tattoo artist na si Chow Abinales, ibinahagi nito ang kahulugan ng ginawa ng aktres.
“So grateful to do this tattoo. This ribbon stands for the quiet battles and victories of a cancer survivor. Thank you, Paul Jake Castillo and Kaye Abad for trusting me and 032 Tattoo,” aniya.
Ibinahagi rin ni Kaye sa kanyang Instagram Stories ang ilang video at larawan ng proseso ng tattoo session, na umani ng atensyon at paghanga mula sa kanyang followers.
Matatandaang bukas na ibinahagi ng aktres ang kanyang naging laban sa breast cancer at kung paano niya ito nalampasan, dahilan kung bakit lalo siyang hinahangaan ng marami ngayon.
===

Share.
Exit mobile version