Itinanghal na kampeon ang Bayan ng Pandi sa Parada ng Karosa 2026, matapos magpakitanggilas sa kahanga-hangang karosa na masining na nagbigay-buhay sa makasaysayang Labanan sa Kakarong de Sili noong Enero 1, 1897, dahilan ng pagkakamito ng tropeo at P100,000 sa ginanap na awarding ceremony noong Setyembre 14 sa Bulacan Capitol Gymnasium sa Lungsod ng Malolos, Bulacan
Idinisenyo ni Anthony Mancao, malikhaing inilarawan ng nagwaging karosa ng Pandi ang mayamang pamana ng bayan habang itinatampok ang husay, talino, at makasaysayang dangal ng mga mamamayan nito.
“Ang pagkapanalo ng Pandi sa Parada ng Karosa 2026 ay isang malaking karangalan para sa amin. Sa pamamagitan ng aming disenyo, nais naming maipakita ang tapang at kasaysayan ng Pandi, lalo na ang mahalagang papel ng Labanan sa Kakarong de Sili. Higit sa isang karosa, ito ay aming munting ambag sa pagpapanatili at pagbabahagi ng ating kasaysayan at pagmamalaki bilang mga Bulakenyo,” ani Mancao.
Ayon kay Wilma Parulan, Senior Tourism Officer ng Pandi, nanatiling matatag at determinado ang kanilang grupo sa kabila ng tuluy-tuloy na pag-ulan at matinding init.
“Kahit po dumaan sa napakatagal at walang tigil na ulan at araw, dedicated po kami at ang mga tao namin na talagang tutukan ito araw man at gabi,” ani Parulan, at binigyang-diin na ang kanilang tagumpay ay una nilang iniaalay sa Diyos, kasunod ang Bayan ng Pandi na nagbigay ng suporta at tiwala upang maisakatuparan ang proyekto.
Samantala, nasungkit ng Bayan ng Hagonoy ang ikalawang puwesto, na tumanggap ng P70,000 at tropeo, habang pumangatlo naman ang Bayan ng Paombong, na nag-uwi ng P50,000 at tropeo.
Tumanggap naman ng tig-P20,000 consolation prize at tropeo ang mga bayan ng Calumpit, Norzagaray, at Bocaue, gayundin ang Lungsod ng Malolos, bilang pagkilala sa kanilang kahanga-hangang pakikilahok sa patimpalak.
Pinuri ni Gobernador Daniel R. Fernando ang lahat ng lumahok na pamahalaang lokal sa paggamit ng sining at pagkamalikhain upang mapanatiling buhay ang kasaysayan at kultura ng Bulacan para sa buong komunidad.
“Ang Parada ng Karosa ay hindi lamang pagdiriwang ng sining at pagkamalikhain, kundi isang paraan upang muling buhayin at maipakita sa ating mga kabataan at sa susunod na henerasyon ang mayamang kasaysayan at kultura ng Bulacan. Binabati ko ang lahat ng lumahok at nagpakita ng kanilang husay, talento, at pagmamalaki bilang mga Bulakenyo. Nawa’y patuloy nating pahalagahan, ipagmalaki, at ipasa sa susunod na henerasyon ang ating makulay na pagkakakilanlan at kasaysayan,” anang gobernador.(Danilo Gravador)

