Nakitang pagkakataon ng komedyanteng si Jose Manalo ang pagkahulog niya noon sa kanal habang ginagawa nila ang “Sugod Bahay” sa Eat Bulaga para magpadagdag ng sahod.
Sa latest episode kasi ng “Toni Talks” noong Linggo, Marso 15,  nausisa kay Jose ang tungkol sa pinakatumatak na alaala niya sa nasabing segment.
“Anong pinakamemorable n’yong ‘Sugod Bahay?’ tanong ni Toni Gonzaga.
Sabi ni Jose, “No’ng nalaglag ako sa kanal. Talagang Malabon. […] Hindi sa nakita sa camera. Pero naka-video.”
“Inisip ko, hindi ako hihinga. Hindi ko ibubuka ang bibig ko. Aahon agad ako,” dugtong pa niya.
Kaya naman tinawagan umano agad siya ng ‘Sir’ niya para tanungin ang kaniyang kalagayan.
“‘Anong nangyari? May mga open wound ka ba?’ sabi sa akin. Mayro’n po, [sagot ko]. ‘Nasaan?’ Ito po ‘di ba ‘yong nasa mukha ko,” lahad ni Jose sa nangyari.
Dagdag pa niya, “Sabi niya [ni Sir], ‘hindi ‘yan! Puro ka kalokohan. Nag-aalala kami sa ‘yo. May nainom ka ba? […] Anong gusto mo?’ Sabi ko, Sir, dagdagan n’yo po ‘yong sahod namin.”
Ayon kay Jose, sa sobrang memorable ng nangyari sa kaniya, napapanaginipan pa raw niya ang amoy ng nasabing kanal kahit tulog na siya.
“Gano’n siya kalupit,” saad ni Jose.
Matatandaang nangyari ang insidente ng pagkahulog ni Jose sa kanal noong Hunyo 2016, siyam na taon na ang nakalilipas.
Pinuri naman ng netizens ang pagiging professional ng host sa kabila ng nangyari.

Share.
Exit mobile version