PATAY ang isang lalaki habang sugatan naman ang isa sa mga salarin matapos ang naganap na rambulan na hinihinalang nag-ugat sa abutan ng ilegal na droga sa Caloocan City, kaninang madaling araw.
Dead-on-arrival sa Caloocan City Medical Center si alyas “Jhonny”, residente ng Samson Road, Brgy. 73, sanhi ng mga tama ng saksak sa katawan habang naka-confine din sa naturang pagamutan ang suspek na si alyas “Jay-jay”, 32, ng PNR Compound, bunga ng isang tama ng saksak sa kaliwang tagiliran.
Sa natanggap na ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, dakong alas-3:17 ng madaling araw nang makita ng isang babaing testigo ang pag-aabot ng sachet ng umano’y shabu ni alyas Jay-jay sa dalawang hindi niya kilalang lalaki.
Makalipas ang ilang sandali, dumating ang dalawang lalaki na kapuwa nakasuot ng itim na jacket at tiningnan siya ng masama habang may dinudukot na bagay sa bulsa kaya sinigawan sila ng isa pang suspek na si alyas “Daga” 34, na naging hudyat ng rambulan.
Una umanong nasaksak ng nasawi si ‘Jay-jay’ hanggang sa pagtulungan na siyang bugbugin at saksakin ng mga suspek na sina alyas “Ryan”, 26, alyas Daga at alyas “Randy” na dahilan upang tumakas na ang dalawa pang kasama ng biktima.
Patuloy na tinutugis ng mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth ang tatlong suspek habang mahigpit namang binabantayan ang sugatang suspek na nakaratay sa pagamutan. (RogerPanizal)

Share.
Exit mobile version