Nadiskubre ng awtoridad ang P249-milyong halaga ng hinihinalang shabu sa loob ng parcel sa isang cargo warehouse bago magtanghali ng Lunes, Abril 20.
Kinumpiska sa isinagawang interdiction operation ng mga tauhan ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG) ang nasabing kontrabando.
Sa inisyal na report ng IADITG, naganap ang operasyon bandang alas-11:00 ng tanghali sa Express Cargo Clearance Facility (ECCF), PAIR-PAGS Center, NAIA Complex, Pasay City.
Batay sa imbestigasyon ng IADITG, nadiskubre ang ipinuslit na ilegal na droga sa loob ng isang inbound parcel na idineklarang Focos Led Led Spotlights na ipinadala ng isang Fernando Medina Leal ng Jacarandas No. Manzana 251 Lote 21 Barrio Fundidores, Chimalhuacan, CP, 56334 Estado De Mexico, Mexico, na nakaconsign naman kay Zenaida Asis Canlas ng Valenzuela, Metro Manila, Philippines.
Sinabi ng IADITG na ang inbound parcel ay naglalaman ng 10 kulay kayumangging kahon na karton na nakabalot ng transparent plastic wrap kung saan nadiskubre ang 18 carton box ng LED lightbulb na may tatak na Brillamax na ang bawat isa ay may nakatagong tig-isang vacuum sealed transparent plastic bag ng hinihinalang shabu, na may kabuuang timbang na mahigit 36 kilo o 36,740 gramo ng ilegal na droga at nagkakahalaga ng P249,832,000.
Ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa PDEA Laboratory Service para isailalim sa laboratory examination.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 4, Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga nasasangkot na indibidwal sa Pasay City Prosecutor’s Office.

Share.