Ipinahayag ng Bureau of Customs (BOC) na pormal nang itinurn-over sa Department of Migrant Workers (DMW) ang 2,954 abandonadong balikbayan box sa pamamagitan ng Port of Davao, sa isang ceremonial turnover event noong Mayo 29, 2025.
Ang mga nasabing kahon, na orihinal na ipinadala ng overseas Filipino workers (OFWs) para sa kanilang mga mahal sa buhay sa Pilipinas, ay naiwan at hindi na-claim matapos itong maling hawakan at tuluyang i-abandona ng ilang mapagsamantalang freight forwarders sa Port of Davao.
Sa pag-apruba ng Department of Finance, idineklara ng BOC na forfeited ang mga kahon at pormal na isinalin sa DMW sa pamamagitan ng isang Deed of Donation. Ang DMW na ngayon ang mangangasiwa upang matiyak na ang mga kahon ay makarating sa tamang mga benepisyaryo.
“These boxes are more than just packages—they’re filled with love, hope, and sacrifice,” ani Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio.
“We know how much these mean to our kababayans. That’s why we made it our mission to return them. With DMW’s help, we’re making sure they finally reach the homes they were meant for.”
Dinaluhan ng mga kinatawan mula sa BOC, DMW, Commission on Audit, at iba pang ahensiya, ang turnover ay naging simbolo ng pagkakaisa para sa kapakanan ng OFW families. Ayon sa BOC, nagsimula ang serye ng koordinasyon noong 2024 para tiyakin ang legal at maayos na paglabas ng mga kahon mula sa customs custody.
Mula sa pagproseso ng legal clearances hanggang sa logistical documentation, siniguro ng BOC ang integridad at seguridad ng mga package. Sa ngayon, ang DMW ay nakikipagtulungan sa isang itinalagang logistics company upang mapabilis ang maingat at maayos na paghahatid ng mga kahon sa kani-kanilang mga pamilya.

Share.
Exit mobile version