Umabot sa 245 tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang sinibak sa serbisyo sa loob ng unang tatlong buwan ng taong 2026 bilang bahagi ng pinaigting na “internal cleansing” ng pambansang pulisya.
Ayon kay PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., ang nasabing bilang ay mula sa kabuuang 765 administratibong kaso na nadesisyunan mula Enero 1 hanggang Marso 31.
Layon ng hakbang na ito na linisin ang hanay ng kapulisan at panatilihin ang integridad ng organisasyon.
Ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ang nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng mga na-dismiss sa serbisyo na umabot sa 67 personel, na sinundan ng National Headquarters (NHQ) na may 40.
Nagmula naman ang iba pang kaso sa PRO 11 (20) at PRO 12 (15) habang ang ibang unit ay mas mababa ang naitalang bilang.
Bukod sa mga nasibak, nasa 341 tauhan din ang pinatawan ng suspensiyon habang 115 ang nakatanggap ng reprimand o pormal na babala. Karamihan sa mga naharap sa parusa ay mga Police Non-Commissioned Officer.
Binigyang-diin ni Nartatez na hindi mangingimi ang PNP na magpataw ng parusa sa ilalim ng kanilang “zero tolerance policy”.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng programang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas” na naglalayong gawing mas propesyonal, transparent at tapat ang serbisyo ng kapulisan sa bansa.
Trending
- Mag-utol na Carlos, Karl Yulo magkakasama sa 2028 LA Olympics
- Biado, Centeno, Amit nanatili sa title hunts
- Niño Muhlach, nagkagusto kay Janice De Belen
- Imelda Schweighart aariba sa MGI All Stars
- Kim Chiu nag-aral sa Paris, business skills pinatalas
- PNP naglunsad ng crackdown vs ‘fixer’ ng ayuda
- PNP, pinaigting kampanya vs ilegal na kalakalan ng petrolyo
- Portable swimming pool at tent bawal sa kalsada sa Maynila

