Pinalabas sa isang WNBA game ang dating NBA center na si Enes Kanter Freedom matapos siyang komprontahin ng Chicago Sky guard na si Natasha Cloud.

Nanonood si Freedom sa laban ng Indiana Fever at Chicago Sky habang nakasuot ng itim na damit na may nakalagay na “WOMAN. Noun. Adult human female.”

Matapos makaiskor si Cloud sa third quarter, nakipag-chest bump siya kay Aicha Coulibaly at kalauna’y lumapit sa puwesto ni Freedom habang nakaturo at sumisigaw.

Agad namang namagitan ang security personnel at ilang manlalaro ng Sky upang paghiwalayin sila.

Inihatid naman palabas ng arena si Freedom ng security. Bago umalis, nakipag-usap din siya sa ilang pulis.

Ayon kay Sky coach Tyler Marsh, ipinagtanggol ni Cloud ang kanyang mga kasama at sinabi niyang sinusuportahan nila ang kanyang paninindigan.

“I told her that we all embrace her as someone that protects our team and protects people that need to be protected and so Tash is always going to stand on that, and we stand for Tash,” ani Marsh.

Samantala, sinabi ni Fever star Caitlin Clark na hindi niya nakita ang insidente dahil nakatuon sila sa kanilang huddle.

Nangyari ang insidente habang patuloy ang debate sa WNBA tungkol sa paglahok ng transgender women sa women’s sports, kahit wala pang transgender woman na naglaro sa WNBA.

Matatandaan din na nauna nang idineklara ni Freedom ang kanyang intensiyong sumali sa 2027 WNBA Draft, bilang pagkukuwestiyon umano sa eligibility guidelines nito.
====

Share.
Exit mobile version