Kinuwestiyon ni Caloocan City Rep. Edgar Erice ang desisyon ni Department of Justice (DOJ) Secretary Fredderick Vida na magtungo sa Czech Republic kaugnay ng pagbabalik sa bansa kay dating Rep. Zaldy Co.
Sinabi ni Erice na mas nararapat umanong manguna ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa koordinasyon sa Czech authorities dahil ito ang ahensiyang may hurisdiksiyon sa immigration at diplomatic coordination.
“Meron naman tayong embassy [sa Prague]. Kung gustong ma-confirm ng gobyerno, puntahan ng embassy official. Sila na ang magsasabi, ‘Nandito talaga si Zaldy Co’,” ani Erice.
“Bakit kailangang pumunta [ni Vida]doon? Trabaho ‘yun ng DFA. Anong papel ng DOJ?” giit pa niya.
Ayon pa kay Erice, dapat humiling muna ng red notice mula sa Interpol bago gumawa ng hakbang ang pamahalaan.
“Ang alam ko wala pang Interpol red notice ‘yan [si Co]. Sinabi nag-apply, may lalabas na. Hanggang ngayon wala pa… so anong personality ng DOJ doon?” pagkuwestiyon pa niya.
Nahaharap si Co sa mga kasong graft at malversation kaugnay ng flood control scandal sa bansa.
Trending

