Wagi si Pinoy pole vault star EJ Obiena matapos makakuha ng gintong medalya sa 2026 ISTAF Berlin sa Olympiastadion sa Germany nitong Lunes, Agosto 31 (oras sa Pilipinas).

Tumalon si Obiena ng 5.82 metro para manguna sa 10-man field at makuha ang kanyang ika-siyam na titulo ngayong taon, at ikaapat sa huling pitong kompetisyong kanyang sinalihan mula noong huling bahagi ng Hulyo.

Dalawang pagtatangka ang kinailangan ng Pinoy star para malampasan ang 5.62 metro, bago niya matagumpay na nalampasan ang 5.82 metro sa kanyang unang tangka.

Sinubukan din ni Obiena ang 5.97 metro ngunit hindi niya ito nalampasan sa tatlong pagtatangka.

Nagtapos na silver medalist si Ylio Philtjens ng Belgium matapos malampasan ang 5.72 metro, habang bronze naman si Robin Emig ng France na nakapagtala rin ng parehong taas. 

 

Share.
Exit mobile version