Inanunsyo ng Bangsamoro Darul-Ifta’ na ang Eid al-Adha 2026 ay gaganapin sa Mayo 27, kasunod ng pagsisimula ng banal na buwan ng Dhul-Hijjah 1447 AH noong Mayo 18.Sa pinakahuling  ulat, idineklara ng Malacanang  na  isang  regular  Holiday   ang araw  na ito bilang   pakikiisa sa okasyon.
Sa isang advisory, sinabi ng Islamic authority sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na ang Araw ng Arafah ay sa Mayo 26, habang ang Eid al-Adha ay isasagawa kinabukasan, Mayo 27, 2026.
“The Bangsamoro Darul-Ifta’ officially announces the commencement of the blessed month of Dhul-Hijjah 1447 AH on May 18, 2026,” ayon sa kanila.
“In line with this, the observance of the Day of Arafah shall fall on May 26, 2026, while the joyous celebration of Eid al-Adha shall be observed on May 27, 2026,” dagdag pa nito.
Hinimok din ng Darul-Ifta’ ang mga Muslim na samantalahin ang banal na panahon sa pamamagitan ng pagsamba, pananalangin, pag-aayuno, kawanggawa, at mga gawaing nagpapakita ng malasakit at pagkakaisa.
Ang Eid al-Adha, na itinuturing na ikalawang pinakamahalagang okasyon sa kalendaryong Islamiko, ay ipinagdiriwang tuwing ika-10 araw ng Dhul Hijjah, ang huling buwan ng Islamic lunar calendar. Ang tatlong araw na pagdiriwang ay pag-alala sa debosyon ni Propeta Ibrahim (Alayhis Salam) sa pamamagitan ng pananalangin, salu-salo, at tradisyunal na paghahandog.
Nauna nang sinabi ng Malacañang na ilalabas ang opisyal na proklamasyon para sa pambansang holiday sa Eid al-Adha matapos makumpirma ang eksaktong petsa batay sa Islamic calendar o astronomical calculations.

Share.