Itinulak ni Mamamayang Liberal Rep. Leila de Lima ang pagbibigay ng kapangyarihan sa gobyerno, sa pamamagitan ng Department of Energy (DOE), na pansamantalang i-takeover ang operasyon ng oil industry sa panahon ng krisis sa langis.
Bukod dito, palalakasin na rin ang kapangyarihan ng Philippine Competition Commission (PCC) sa pagbaklas sa cartel at price manipulation sa industriya ng langis upang maproteksiyunan ang interes ng mga consumer.
Ilan lamang ito sa nilalaman ng House Bill (HB) 8824 na inakda ni De Lima na naglalayong amyendahan ang Republic Act No. 8479, o “Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998”.
“Napapanahon nang repasuhin ang oil deregulation law nang hindi maging inutil ang gobyerno sa mga panahong pabigat nang pabigat ang kalbaryo ng mga Pilipino sa napakamahal na presyo ng krudo,” ani De Lima.
Sa ilalim ng panukala pinabubuwag ni De Lima ang Department of Energy-Department of Justice Task Force na ang orihinal na misyon ay imbestigahan ang hindi makatuwirang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo at ibigay ang kapangyarihang ito sa PCC.
Mananatili aniya sa DOE ang monitoring at operational authority at isasama na ang “power to temporarily take over or direct industry operations during a national emergency”.
Hindi na rin kailangang magpasa ng batas ang Kongreso para suspendehin ang excise tax o value added tax (VAT) sa mga produktong petrolyo kapag naulit ang ganitong situwasyon sa hinaharap dahil isasama na ito sa binubuong bagong batas.
“In the face of extraordinary global oil volatility, the State cannot sit idly by while the Filipino people bear the full and immediate burden of surging fuel prices. The State must be able to act decisively, lawfully, and accountably to secure fair competition, protect consumers, and preserve economic stability,” ayon pa kay De Lima.
Kasama din sa panukala ni De Lima ang pagbuhay muli sa oil price stabilization funds (OPSF) upang hindi ipasa ng direkta sa mga consumers ang anumang pagtaas ng presyo ng krudo sa world market.
Trending
- Pambato ng PTA umabante sa Philta Women’s Open semis
- Annie Ramirez, Yman Xavier Baluyo PH flag bearers sa Asian Beach Games opening ceremony
- Celeste, ready ng magpa-sexy
- Kyline, magbibigay ng ayuda sa mga driver ng jeep
- Bea-Vincent wedding ‘di tuloy sa May 16
- 12 ex-Marines sa ‘maleta scam,’ Zaldy Co, paghaharapin sa Blue Ribbon hearing
- Validity ng mga lisensya at registration, extended na
- Angkas babawasan komisyon sa mga rider
