APAT na parangal ang tinanggap ng Lungsod ng Maynila sa Metro Manila Center for Health Development (MMCHD) ng Department of Health (DOH) bilang pagkilala sa natatanging pagganap at pangako sa matagumpay na pagpapatupad ng Expanded Newborn Screening Program.
Dahil sa tinanggap na parangal, nalagay ang Lungsod ng Maynila sa ikalawang puwestong umanggap ng Exemplary Local Government Unit Award, kasunod ng Valenzuela City habang pangatlo naman ang Pasig City.
Pinangunahan naman ni Manila OIC-City Health Officer Dr. Grace Padilla ang pagtanggap ng kabuuang apat na parangal, kasama ang mga miyembro ng city health cluster, sa ginanap ng Diamong Hotel, Ermita, Manila.
Kabilang naman sa tatlo pang parangal ang ipinagkaloob sa Mayor Ramon Bagatsing Hospital at Justice Jose Abad Santos General Hospital bilang Top Performing Newborn Screening Facilities, at ang Dr. Mariano Icasiano Lying-In Clinic na kinilala naman bilang Exemplary Newborn Screening Facility.
Sa pahayag ni Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso, ang tinanggap na pagkilala ay isang patunay na ibinibigay nilang lahat ang kanilang pangakong mabigyan ang mga bagong silang na sanggol sa Maynila ng pinakamagandang simula ng kanilang buhay
Ipinaliwanag pa ng alkalde na mahalaga ang maagang pagsusuri sa mga bagong silang na sanggol upang matukoy ang posibleng congenital conditions o mga kondisyong taglay na mula sa kapanganakan, bago pa lumitaw ang mga sintomas.
Sa ilalim ng Republic Act No. 9288 o Newborn Screening Act of 2004, sinusuri ang mga sanggol sa pamamagitan ng pagkuha ng ilang patak ng dugo mula sa sakong, karaniwang sa loob ng unang 24 hanggang 48 oras matapos ipanganak. Layunin nitong matukoy nang maaga ang mahigit 28 congenital conditions upang agad na maisagawa ang kinakailangang interbensiyon at paggamot.
Sinabi pa ni Mayor Domagoso na malaking bahagi ng tagumpay ng programa ang dedikasyon ng mga doktor, nurse, komadrona at iba pang health workers na nangangalaga sa mga bagong silang.
Pinuri at binigyang kredito rin ng alkalde ang Manila Health Department sa pamumuno ni Dra. Padilla at ang buong city health cluster sa pagkakamit ng mga parangal. (Edison de Jesus)
