Magpapatupad umano ng malawakang crackdown laban sa mga undocumented na Pilipinong manggagawa sa Mainland China, Hong Kong, at Macau kasunod ng pag-aresto sa ilang Chinese workers sa Philippine Sanjia-Steel Corporation sa Tagoloan, Misamis Oriental.
Ito ang kumpirmadong impormasyon na nakalap ng Abante sa isang mapagkakatiwalaang source mula sa Chinese community na naalarma rin umano at nababahala sa naturang hakbang ng Chinese government.
Ayon pa sa impormante, huhulihin at posibleng ikulong ang mga manggagawang Pinoy na makikitang may problema sa papeles sa isasagawang mano-manong paghihigpit.
Bukod dito, magpapatupad din umano ang Chinese government ng paghihigpit sa pagpasok at paglabas ng ilang produkto sa Pilipinas, kabilang ang urea fertilizer na ginagamit sa palay at refined oil, na dati ay malayang na-eexport.
Ititigil na rin umano ng China ang export ng ilang produktong galing Pilipinas gaya ng saging at iba pang kalakal.
Ayon sa impormante, na-offend umano ang Chinese government sa panghihimasok ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa operasyon ng pamahalaan sa naturang steel company, kung saan iginiit na ilegal ang ilang Chinese national na naaresto.
Ayon naman sa Chinese Embassy sa Pilipinas, matapos nilang beripikahin ang mga dokumento ng mga manggagawa, wala umano silang nakitang problema sa kanilang working permits.
Ito rin umano ang dahilan ng pag-ban kay Teodoro at sa kanyang pamilya sa China, Hong Kong, at Macau, at ng umano’y paghahanap sa kanilang mga ari-arian sa naturang mga lugar kung mayroon man.
Sinasabing mahigit dalawang linggo umanong ikinulong ang mga naarestong Chinese national sa pasilidad ng National Bureau of Investigation (NBI) nang walang kaukulang kaso, at karamihan ay kamakailan lamang pinalaya.
Kumakalat din ang impormasyong ang PHIVIDEC Industrial Estate, na nasa ilalim ng pangangasiwa ng DND at kinatatayuan ng Sanjia-Steel Manufacturing, ay umano’y pinag-iinteresan ng gobyerno ng Estados Unidos para sa posibleng pagtatayo ng panibagong base militar.

Share.