TIYAK na pinaghahandaan na ni two-time world champion Carlo Biado ang World Pool 9-Ball Championship na gaganapin sa Jeddah, Saudi Arabia sa susunod na buwan.

Inaasahang markado si 41-year-old Biado sa nasabing event na lalahukan ng mga matitikas na bilyarista sa buong mundo sapagkat isa siya sa mga dating kampeon sa naturang tumbukan.

Pangalawang world champion ni Biado ang World 10-Ball nakaraang taon, una ay noong 2017 nang maghari ito sa World 9-Ball Championship.

Ayon sa organizers ng World 9-Ball, record breaking ang prize fund na $1M ngayong taon at nakataya ang tumataginting na $250,000 o P14M sa magkakampeon sa nasabing prestihiyosong billiards tournament.

Isa rin sa pagtutuunan ng pansin ang defending champion na si Russian-American pool player Fedor Gorst, tinalo nito sa makapigil-hiningang labanan si Eklent “The Golden Eagle” Kaçi ng Albania nakaraang taon.

Maganda ang tinutumbok ni Biado ngayong 2025 sa sinalihang European Open Pool Championships at UK Open Pool Championship, bagaman kinapos pero nakaabot siya knockout stages.

Maliban kay Biado, inaasahan din ang iba pang mga Pinoy cue artists na sasali sa bliiards tournament kaya asahang puspusan na rin ang paghahanda ng iba.

Magsisimula ang tumbukan sa Hulyo 21 at magtatapos sa Hulyo 26.

Share.
Exit mobile version