Nasawi ang isang barangay secretary at kanyang kasamang miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team na mga biktima ng ambush sa Barangay Kabasalan sa Ligawasan, Cotabato nitong Martes ng hapon, May 19.
Sa mga hiwalay na ulat nitong Miyerkules ni Capt. Steffie Salanguit, spokesperson ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, at ng municipal officials sa Ligawasan, sakay ng isang minivan sina Tamano Guimbalanan at Norodin Salinogen ng tambangan ng mga armadong kalalakihan na nakaabang sa kanila sa gilid ng isang kalye sa Sitio Bungalos sa Barangay Kabasalan.
Agad na namatay ang dalawa sanhi ng mga tama ng bala sa ibat-ibang parte ng kanilang mga katawan na tinamo sa pamamaril ng mga lalaking armado ng mga assault rifles na agad na nakatas.
Si Guimbalanan ay secretary ng barangay government ng Kabasalan habang si Salinogen ay miyembro naman ng BPAT na sakop ng municipal government ng Ligawasan.
Ang Ligawasan ay isa sa walong mga bagong tatag na mga Bangsamoro municipalities na sakop ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, ngunit nasa probinsya ng Cotabato na nasa teritoryo ng Administrative Region 12.
Ayon kay Salanguit, tumutulong ang mga barangay officials sa mga imbestigador ng Ligawasan Municipal Police Station sa pagkilala sa mga nag-ambush kina Guimbalanan at Salinogen upang masampahan ng mga kaukulang kaso.

Share.