Nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko na mag-ingat sa mga mala-trangkasong sakit o influenza-like illnesses (ILI) ngayong tag-ulan, na karaniwang may kasamang lagnat, ubo at sipon.
Ayon sa DOH, ang ILI ay mga nakahahawang sakit na maaaring sanhi ng iba’t ibang virus o bacteria na nakaaapekto sa ilong, lalamunan at baga.
Batay sa depinisyon ng World Health Organization, ito ay ang lagnat na hindi bababa sa 38°C at ubo na nagsimula sa loob ng nakalipas na 10 araw.
Maaari umanong kumalat ang mga ito sa pamamagitan ng droplets mula sa ubo o bahing, gayundin sa paghawak sa kontaminadong bagay at pagkatapos ay paghawak sa ilong, bibig o mata.
Kabilang din sa mga sintomas nito ang sipon, panghihina, pananakit ng katawan at ulo, pananakit o pamamaga ng lalamunan, panginginig, pagsusuka at pagtatae.
Pinapayuhan naman ang mga may sintomas na manatili muna sa bahay, magpahinga, uminom ng walo hanggang 10 baso ng tubig at iwasang makisalamuha sa mga taong kabilang sa high-risk groups.
Kapag nahihirapang huminga, lumampas sa 40°C ang lagnat o lumala ang sintomas, agad na magpakonsulta sa health center o ospital, ayon pa sa DOH.

Share.
Exit mobile version